PARANG napakabigat ng pressure sa balikat ni Jason Webb sa pagbubukas ng 41st season ng Philippine Basketball Association sa Linggo.
Kasi’y siya lang ang baguhang head coach sa season na ito. Ang kalaban niya ay pawang mga beterano,
Nasalang si Webb sa sitwasyong ito matapos na malipat sa Barangay Ginebra ang dating head coach ng Star Hotshots na si Tim Cone. Binitbit ni Cone ang kanyang assistant na si Richard del Rosario at iniwan kay Webb ang paghawak sa Star.
Well, nakaapat na conferences naman si Webb bilang isa sa mga assistants ni Cone. Kaya sa palagay ng management ng Star ay sapat na ang kaalaman ni Webb sa paghawak ng team. Bukod siyempre dito ay naging analyst siya sa television coverage ng PBA games. Kaya naman exposed din siya sa pilosopiya ng mga ibang coaches.
Kung tutuusin nga, bilang analyst ay mas marami sigurong napulot si Webb. Kasi iba-ibang coaches ang kanyang nakakausap noon at sa pakikipag-usap na ito ay nakukuha niya ang estilo ng mga coaches.
Hindi nga lang nagagamit ang estilong napulot niya noong assistant coach pa lang siya, Kasi, pagtulong lang kay Cone ang kanyang papel.
Ngayon ay makikita na talaga ang bunga ng pakikisalamuha ni Webb sa mga coaches na nakilala niya’t na-interview sa mga nagdaang panahon. Isama na diyan ang kanyang amang si Freddie Webb na isang beteranong coach ng Letran at Yco.
Puwedeng sabihing may pressure sa balikat si Webb bilang isang baguhan. Pero puwede ring gamitin niya itong bentahe. Nasa learning stage pa lang naman siya, e.
Kung magtatagl siya sa Star, malamang na malayo rin ang marating niya.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua