MARAMI ang nabuwisit na mga racing aficionados dito sa Metro Turf nitong nakaraang Huwebes at Biyernes na kung saan ay sa kanila ginanap ang karera.
May karapatan namang magalit ang mga mananaya dahil naging pamosong basahin sa mga monitor ang salitang “slight delay”.
Noong Huwebes, tolerable pa ang sinasabi nilang slight delay dahil hindi masyadong nabuwang ang mga manonood sa paghihintay pero nitong Biyernes ay talagang lumabas ang asar ng mga aficionados dahil Race 1 pa lang ay nakita na sa mga monitor ng TV ang paunawa nitong “slight delay” dahil sa technical problem.
Kung hindi tayo nagkakamali, halos isang oras ang pagkakadelay ng pagtakbo ng unang karera.
Puna nga ng isa mga racing aficionados na nakatabi natin sa isang offtrack betting station, “ meron na nga silang na-experience na technical problem noong Huwebes, dapat maaga pa lang ng Biyernes, inalam na nila kung may problema uli silang masasagupa sa araw na iyon.”
Heto pa ang masaklap sa araw ng Biyernes, imbes na maghabol sila sa oras na nawala para makaagapay sa inilalagay nilang post time sa programa, naghabol sila sa bentang mawawala. Kaya inabot ang pagtatapos ng last race ng alas-dose ng gabi. Dapat ay magtatapos iyon ng 10:30 pm.
Yung isa ko ngang kaibigan na karerista na galing pa sa Malvar, Batangas na kung saan naroon ang Metro Turf, todo ang pagmumura. Kasi nga naman, gabing-gabi na siyang nakauwi sa kanila noong Biyernes. Bukod pa roon—umuwi itong lulugo-lugo sa talo.
Talo na nga—bugbog pa sa sinasabi nilang SLIGHT DELAY.
Ang isa pang kuwestiyunble na nangyari dito sa Metro Turf noong Biyernes ay ang pagkaka-scratch ng outstanding favorite na (#4) Dazzling. At dahil nga sa biglaang pagkakabura sa tayaan nitong si Dazzling ay nalipat ang mga parating sa mga exotic betting sa naliyamadong si (9) Respect.
At alam ba ninyo ang nangyari? Na-left behind ang kabayong Respect.
Hinala ng mga katabi nating mananaya—parang mahirap daw na paniwalaan na “COINCIDENCE” lang ang nangyari na biglaang na-scratch ang outstanding favorite sanang si Dazzling at ang pagkaka-left behind ni Respect.
Basa ng mga mananaya na yaring karera iyon? Ayaw manalo ng mga liyamado?
Aba’y dapat nang panghimasukan ng Philracom ang mga nabanggit nating problema bago tuluyang mawalan ng tiwala ang mga mananaya sa world class “daw” na karerahan na Metro Turf.
0o0
Nagkaroon ang inyong lingkod ng pagkakataon na makapanayam ang isang apprentice jockey dito sa aming lugar sa Sta. Cruz. Nagkataon na anak siya ng kaibigan nating si Ronald “Kune” Simplicio, ASAWA NI…Sarah Jane Baldres Simplicio.
Ang sinasabi nating apprentice jockey ay REINIEL B. SIMPLICIO, 20-taong gulang na may taas na 5-foot-2.
Katulad ng mga nangangarap na maging hinete, sabik na itong si Reiniel na makasakay sa mga aktuwal na takbuhan. Siyempre, gusto naman niyang masubukan sa laban ang lahat ng kanyang natutunan sa Philippine Jockey’s Academy na kung saan ay tinuruan sila ng lahat ng bagay para maging isang disiplinado at magaling na mananakay.
Sa kasalukuyan ay kailangang mag-aral ng tatlong taon sa academy bago sumalang ang isang apprentice jockey sa “barrier race.”
Kailangang makabuo ang isang apprentice ng 25 sakay sa barrier race bago sila pakawalan sa mga aktuwal na karera bilang apprentice jockey.
Sa kasalukuyan ay alalay si Reiniel sa kaniyang mga kinakain dahil kailangan niyang imentina ang timbang na 47 kgs. o mababa pa dahil doon maglalaro ang timbang ng isang apprentice jockey sa maraming sasalihang karera sa hinaharap.
Si Reiniel na graduate sa Manuel L. Quezon High School ay iniidolo ang premyadong hineteng si M. A. Alvarez. Gustung-gusto niya ang malahenyo nitong pagdadala sa mga de-banderang kabayo. Katulad ng kanyang idolo, preperable rin niya ang de-bokang kabayo.
Marami na ring beses na nahulog si Reiniel sa mga ensayo pero inisip lang niya na bahagi lang iyon ng pinasok na trabaho. Kailangan lang na ipagpag niya iyon at iisantabi ang takot at tuloy ang ensayo.
Ayon kay Reiniel, hustong-husto na ang kanyang kondisyon . Nasa dibdib na niya ang kasabikan na makasakay sa una niyang sakay sa barrier. Ang go-signal para makaarya sa barrier race ang mga apprentice ay magmumula sa idolo ng inyong lingkod na si Oyet Alcasid…ang tumatayong pangunahing professor ng mga hinete sa PJA.
Tingin ni Reiniel, papayagan na siya ni Alcasid na makasakay sa barrier sa darating na Nobyembre.
Good luck Reiniel.
KUROT SUNDOT – Alex Cruz