WHAT’S in a kiss? Have you ever wondered just what it is? Tanong nga ng isang kanta.
At sa ANIMversary ng It’s Showtime, kasama kami sa pulutong ng media na nakasaksi sa ginawang paghalik sa labi ni Vice Ganda sa kanyang matalik na kaibigan at co-host na si Karylle habang kinakanta ang I Kissed a Girl and I Like It!
Kaya ang kasunod niyon, sa kabila ng marami ang natuwa eh, ang katumbas ding kaliwa’t kanang pamba-bash sa komedyante.
At ang binalingan din eh, ang asawa ni Karylle na bokalista ng Sponge Cola na si Yael Yuzon.
Sa tono ng twits ni Yael, wala naman sa kanya ang nasabing kaganapan by saying, “It was just another day. There is really no need to bash anyone.”
Impromptu naman daw ‘yun. It was just for a show. Performance nga nina Vice at Karylle. Pangkatuwaan. Na hindi naman daw din kailangan pang ihingi ng paalam sa kanya.
Ang importante raw, he has a great wife and they share a great life. Ganoon!
Samantala, happy ang It’s Showtime productions dahil patuloy na tumataas naman ito sa ratings niya.
Naging pinakapinanood na programa sa buong bansa ang ABS-CBN consistent top-rating primetime series na Nathaniel noong Setyembre 25 na nakakuha ng national TV rating na 42% para sa finale episode nito o halos triple sa national TV rating ng katapat na programa na Marimar (17.4%), base sa datos ng Kantar Media.
Patuloy naman ang paghataw ng ABS-CBN sa sumunod na araw nang manguna ang MMK sa listahan ng pinaka-pinanood na mga programa sa bansa noong Sabado sa pagtampok nito ng kuwento ng banana cue vendor na ngayon ay The Voice Kids season 2 champion na si Elha Nympha. Nakakuha ang tagos pusong MMK episode ng national TV rating na 31.9%, habang ang katapat nitong programa na Magpakailanman ay mayroon lamang 24.3%.
Mas marami na rin ang tumututok sa It’s Showtime na pinanood noong Sabado, Setyembre 26 para sa kanilang Showtime Kapamilya Day: The ANIMversary Kick Off sa Araneta Coliseum. Nakapagtala ang noontime show ng national TV rating na 22.5% noong Sabado na malaking angat mula sa 17.3% noong Huwebes, Setyembre 24 at 18.8% noong Biyernes (Setyembre 25).
Samantala, wagi rin ang unang episode ng bagong ABS-CBN weekend game show na Celebrity Playtime ni Billy Crawford na umani ng national TV rating na 28.7%, na halos 10 puntos na lamang sa kalaban na programa na 24 Oras Weekend (19.9%).
Mas mapagkakatiwalaan ang datos ng Kantar Media na batay sa 2,609 na kabahayan sa parehong urban at rural areas sa bansa. Mas marami at eksakto kaysa service provider ng ibang networks, ang AGB Nielsen, na mayroong 1,980 kabahayan na nakabase lamang sa mga urban area.
Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga kabahayang may telebisyon sa Pilipinas, habang umano’y 57% lamang ang kinakatawan ng AGB Nielsen dahil hindi kasama ang rural areas sa datos nito.
HARDTALK – Pilar Mateo