NAPAKARAMI kong text messages na natatanggap buhat sa mga kaklase’t kabarkada ko noong ako’y nag-aaral pa sa Mapua Institute of Technology. At karamihan sa kanila ay nagyayaya na manood ng mga laro ng Mapua Cardinals sa kasalukuyang 91st season ng NCAA.
Kasi nga’y rumaratsada ang Cardinals at may six-game winning streak. Malaki ang pag-asa ng aming koponan na makarating sa Finals Four dahil sa tinalo ng Cardinals ang lahat ng mabibigat na kalaban liban sa defending champion San Beda Red Lions na makakaharap sa Biyernes.
Unbeaten ang Cardinals sa second round. Matapos na magposte ng 4-5 record sa first round.
Sinimulan nila ang second round sa pamamagitan ng 70-65 panalo kontra Perpetual Help Altas. Isinunod nila ang San Sebastian Stags (87-78), Jose Rizal Heavy Bombers (68-67) at Lyceum Pirates.
Noong Setyembre 15 ay ginulat nila ang lahat nang talunin nila ang dating nangungunang Letran Knights, 82-77. Pagkatapos ay isinunod nila ang isa pang heavyweight na Arellano Chiefs, 81-76. Magugunitang ang Chiefs ang second placer noong nakaraang season.
Ang huling dalawang panalo ng Cardinals ay naitala nila sa kabila ng pagkawala ni head coach Fortunato Co na nasuspindi ng dalawang games. Sina Ed Cordero at Randy Alcantara ang gumabay sa Cardinals.
Hindi ko alam kung pagbibigyan ko ang mga kaklase ko’t manonood ako sa Biyernes. Baka malasin, e. Kung kailan kami manonood ng live at saka pa matalo. Mabuti na yung magtuluy-tuloy na lang silang manalo nang wala kami sa arena.
Kaya lang, nangangantiyaw ang mga kaklase ko na baka mabuti raw na wala rin si Co. Tutal naman ay nananalo ang Cardinals.
Hello! Two games lang ang ipinanalo nila nang wala si Co ha! Apat na games nilang kasama si Co, ‘di ba?
Kapag nakalusot sa San Beda ang Cardinals, malamang na ma-sweep nila ang second round dahil sa ang natitira nilang kalaban ay ang EACX sa Oct. 1 at St. Benilde sa Oct. 6.
Magmilagro kaya sila?
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua