NAKATUTUWA ang magpinsang Kikay at Mikay na ipinakilala sa amin ng katotong Richard Pinlac. Sila ang magpinsang sa murang edad (8 at 10) ay malinaw na ang gustong tahakin sa buhay, ang pag-aartista.
Kaya naman nang hingan namin sila ng kanta ay kaagag silang tumayo at walang hiya-hiyang ipinamalas ang galing sa pagkanta, pagsayaw, at pag-arte.
Kompletos rekados nga sina Mikay at Kikay dahil magaling sila at may talent kapwa sa pagkanta, pagsayaw, at pag-arte. Na-enrol pa nga sila sa isang music school para lalo pang mahasa ang talent sa pagkanta.
Sina Mikay at Kikay ay pamangkin ni Donita Rose kaya hindi nakapagtatakang mahilig din sa pag-aartista ang dalawang may dugong Koreana at ang isa’y may dugong Chinese.
Ang Mommy ni Kikay na si Diane at ang sister ni Mommy Evelyn Cavett na si Tita Vicky ang nagga-guide sa dalawang bagets na may mga contest na ring nasalihan at workshops na nasalangan. Pero kahit abala sa kanilang pangarap, hindi pinababayaan ng dalawang bagets ang kanilang pag-aaral. Kapwa nga sila nasa honor.
Sa mga talent na ipinamalas nina Kikay at Mikay, puwedeng-puwede sila sa Goin’ Bulilit ng ABS-CBN kaya naman umaasa ang mga ito na makapasa sila sa oras na makapag-audition.
Idol kapwa nina Mikay at Kikay si Jillian Ward kaya pala medyo may hawig ang pagkilos at pag-arte nila rito. Pero siyempre mas gusto nilang makilala at maipakita ang kung anumang talent mayroon sila.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio