KUNG big men rin lang ang pag-uusapan, aba’y parang sobra-sobra ang higante sa line-up ng Star Hotshots!
Ito ay bunga ng pangyayaring magbabalik na sa active duty si Ian Sangalang na isang game lang ang nilaro noong nakaraang season at nagtamo ng Anterior Cruciate Ligament (ACL). Kinailangan siyang operahan, magpahinga at mag-rehab.
Bukod kay Sangalang, nakuha rin ng Hotshots sa Rookie Draft si Norbert Torres na naglaro sa La Salle Green Archers sa UAAP at sa Cebuana Lhuilier sa PBA D-League.
Naiwan buhat sa line-up ng Hotshots noong nakaraang season sina Mick Pennisi at Rafi Reavis. Inilaglag na nila si Don Carlos Allado.
Biruin mong limang malalaking mama iyon! E puwede rin namang asahan sa pagkuha ng rebounds sina Joe DeVance at Marc Pingris.
So, walang problema ang bagong head coach ng Star na si Jason Webb kung pagdomina sa shaded area ang pag-uusapan. Ang dami niyang puwedeng gamitin. Puwede ngang dala-dalawang sentro ang pagsabayin niya sa loob ng hardcourt.
Pero siyempre, hindi naman niya gagawin ito madalas dahil sa babagal naman ang takbo ng opensa’t depensa ng Hotshots. Tatalunin sila ng kanilang kalaban sa takbuhan. Kahit na malalaki sila, hindi pa rin sila makakakuha ng rebounds kung hindi sila makakababa nang madali.
So, kailangang balansehin ni Webb ang paggamit sa kanyang big men.
Ang maganda lang diyan ay hindi siya mauubusan ng pagpipilian.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua