MAGANDA ang kabuuang laro ng Gilas sa Jones Cup na ginaganap sa Taipei, Taiwan.
Hindi pa tapos ang tournament pero sigurado nang kampeon ang Iran dahil sa isa lang ang naging talo nila sa kabuuang laro sa torneyo na may format na single round robin.
Ang Gilas, malaki ang tsansa na makasampa para sa silver base na rin sa magandang karta at mas mataas na quotient sa mga humahabol na ibang bansa.
Ang rebelasyon sa nasabing laro ng RP 5 ay ang magandang inilaro ni Calvin Abueva. Kung dito sa ating bansa ay puro porma lang, pangangaldag at kayabangan ang ginagawa niya—sa Jones ay nagpakita ito ng maturity sa laro. Halos siya ang nagpasigla ng laro ng mga Pinoy.
Good work Abueva. Sana madala mo ang larong iyan sa FIBA Asia.
0o0
Napuna lang natin na parang kabado ang RP team kapag nakaharap na ang South Korea at Iran.
Itong dalawang bansa ang dumiskarel sa kampanya ng Pinas para makuha ang Gintong medalya sa Jones Cup.
Well, siguro, kapag nakaharap natin silang muli sa FIBA Asia, alam na natin ang gagawin para manalo. At dapat lang ng tanggalin ang kabog sa dibdib para dagukan ang mga bansang ito sa basketball.
0o0
Ang isa pang rebelasyon sa Jones Cup ay itong si Terrence Romeo. Katulad ni Abueva, nagpakita rin ito ng tapang. At dahil sa tapang na iyon na hinahamon ang mga naglalakihang manlalaro ng ibang bansa—naging bukang-bibig siya sa Taipei.
Instant superstar siya roon.
Katunayan ay maging ang babaing kumapanayam sa kanya para sa sidelights ng laro ay mukhang na-in love sa kanya.
0o0
Unti-unti ay nagji-jell na ang laro ng Gilas. Parang sinasabi ng team na hindi na kailangan pa ang serbisyo nina Fajardo, Slaughter at iba pang tumalikod sa tawag ng tungkulin para maging competitive sa parating na FIBA Asia.
May ilang linggo pa para tuluyang magkaamuyan ang miyembro ng Gilas.
At eksakto sa FIBA Asia—magiging panlaban ang team.
Good luck Gilas!
KUROT SUNDOT – Alex Cruz