E ano kung mapakla pa si Senator Grace Poe?
Ariel Dim Borlongan
August 21, 2015
Opinion
MARAMING ipokrito sa Liberal Party (LP) lalo ang mga patraydor kung bumanat kay Sen. Grace Poe partikular ang tunay na “dilawan” na si Caloocan City Rep. Edgar Erice. Kung panahon ngayon ng mga Hapones, masasabing makapili si Erice dahil tinatraydor niya pati ang mga kapartido sa Caloocan para sa pansariling kapakinabangan.
Hindi na dapat magtaka si Department of Interior and Local Secretary Mar Roxas kung bakit galit si Poe sa mga taga-LP na sumasaksak sa likod ng senadora. Hindi dapat lalaban si Poe bilang presidente sa 2016 elections pero sa pang-aalaska pa lamang ni Erice na ‘mapakla’ ang senadora, nag-ala-FPJ siya na tumapang at naging palaban kaya nasa balag ng alanganin ngayon ang kandidatura ni Roxas.
Naging attack dog ng LP si Erice dahil ba sa kredibilidad niya? Kung tutuusin, matagal nang ibinenta ni Erice sa mga Chinese ang Filipinas mula nang makipagsabwatan siya sa grupo ni Carlos Chan para sa ilegal na pagmimina ng ginto at iba pang yamang mineral sa Camarines Norte at iba pang bahagi ng bansa. Lagi siyang front page at si Roxas sa mga tabloid sa tulong ng isang Chinese na bumili ng apelyidong Filipino para hindi mahalatang espiya ng China sa Filipinas. Biro ko nga sa kaibigan sa Manila Times na si Ares Gutierrez kung kamag-anak niya ang media operator ng LP pero nagsawalang kibo na lamang ang batikang editor.
Hawak sa leeg ng grupo nina Erice at Chan si Roxas ngayon kaya kung mananalo ang LP bet, asahan na nating “wantosawa” ang Chinese connection sa pagwasak sa kapaligiran ng ating bansa tulad ng ginawa ng mga bulok na politiko sa Zambales, Pangasinan at Cagayan na pumayag lapastangin ng mga Chinese ang kanilang mga lalawigan.
Dahil din sa kadadakdak at maniobra ni Erice kaya may tsismis na kumalas sa LP ang lahat ng kaalyado ni Camarines Norte Gov. Edgar Tallado. Nakapirata ang LP ng mga miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC) sa La Union pero mas malaki ang nawala sa kanila sa Bicol Region.
Malaking problema pa ni Sec. Mar ang isang alyas “Otso” sa LP na palihim kumikilos para sa kandidatura ni Vice President Jojo Binay ng United Nationalist Alliance (UNA). Lehitimong LP si Otso pero kabilang siya sa nagpakana sa NoyBi sa halalan noong 2013 kaya nalaglag si Roxas. Kung nagawa ni Otso at ng kanyang mga kapanalig sa LP na traydurin si Roxas noong 2013, ngayon pa kayang tatakbo na si Binay sa halalang pampanguluhan?
Sayang ang pagsisikap ng mga totoong tagasuporta ni Roxas kung matatalo sa 2016 elections dahil sa mga ahas sa loob ng LP. Hinog na nga ang DILG secretary para maging pangulo ng ating bansa pero kung garapal ang ugali ng mga nasa LP tulad nina Erice at Otso, baka mapaklang kandidato ang manalo sa darating na halalan sa katauhan ni Sen. Grace Poe.
Tsk. Tsk. Tsk.