86-anyos chinese architect kinatay ng akyat-bahay
Claire Go
August 12, 2015
News
OLONGAPO – Patay ang isang 86-anyos Chinese retired architect makaraan pagsasaksakin ng hindi nakilalang akyat-bahay na nanloob sa kanyang bahay sa No.1 17th St., East Bajac-Bajac, Olongapo City.
Kinilala ang biktimang si Francisco Lim, 86, ng nabanggit na lugar.
Ayon sa kapatid ng kinakasama ng biktima na si Gloria Santos; 56, ng Brgy. Gordon Heights, Olongapo City, dakong 3 a.m. nang noong Agosto 9 nang marinig ng mga kapitbahay ang sigaw ng biktima.
“Ikaw pala, ikaw siguro ang kumukuha ng mga nawawalang gamit dito.”
Sinabi ni Santos na may saksing nakakita nang tumakas ang suspek at namukhaan ang salarin.
Habang sa pahayag ng panganay na anak ni Santos na si Emerson, 21, dakong 6 a.m. nang dumating siya sa bahay ay kumatok siya sa kwarto ng biktima. Ngunit hindi sumasagot kaya inakala niyang mahimbing na natutulog ang biktima.
Bunsod nito, dumiretso na lamang siya sa kanyang kuwarto at natulog.
Ngunit dakong 9 a.m. kinaumagahan, dumating ang kasambahay na si Bertila Coraza, 58; tubong Tagbilaran, galing sa isa pa nilang tirahan sa 13th St., East Tapinac, Olongapo City, para maghatid ng agahan, kinatok niya nang tatlong beses ang kuwarto ngunit hindi sumasagot ang biktima.
Dahil dito, sinilip niya ang kuwarto ng biktima at nagulantang nang makitang nakahandusay na duguan ang matanda.
Nabatid na ang biktima ay may anim na saksak sa ulo at pisngi, at pinukpok ng martilyo sa leeg na kanyang ikinamatay.
Napag-alaman, nakuha ng suspek ang pitaka ng biktima na naglalaman ng P5,000 ngunit hindi pa batid kung may nakuhang mga dokumento dahil nagkalat ang mga kagamitan sa loob ng kuwarto.
Samantala, hanggang ngayon, tikom pa rin ang bibig ng pulisya hingil sa sunod-sunod na krimen sa lungsod sa pamumuno ni Senior Supt. Pedrito delos Reyes.