Roxas tiyak na ang rematch kay Binay
Ariel Dim Borlongan
July 31, 2015
Opinion
TIYAK nang idedeklara ni Pangulong Aquino si Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas bilang kandidatong presidente ng Liberal Party (LP). Kung sino ang kanyang makakatambal, malamang sabay ding ihayag ng Malakanyang. Ibig sabihin, magre-rematch sina Roxas at Vice President Jejomar Binay sa nalalapit na halalan. Maraming nagsasabi na mahihirapang makaresbak si Roxas kay Binay ngunit buo ang kanyang determinasyon na ituloy ang ‘tuwid na daan’ ni P-Noy.
Babalewalain ng administrasyon ang mababang ratings ni Roxas sa mga survey dahil kompleto ang makinarya ng LP mula pondo hanggang “halataing” suporta ng Commission on Elections (Comelec). Muli kasing kinuha ng Comelec ang kontrobersiyal na Smartmatic Total Information Management para sa P1.7 bilyong kontrata upang mag-supply ng bagong 23,000 precint count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa 2016 elections.
Batid ni Binay ang pandaraya ng Smartmatic sa pamamagitan ng PCOS machines dahil may ulat na E-Magic ang ginamit niya kaya nanalo kay Roxas noong 2013 vice presidential polls. Pero malaking hamon sa LP ngayon kung ang mga sumuporta sa “Noy-Bi” noon ay direktang susuporta kay Roxas sa halalan. Ano kaya ang masasabi rito ng mga kilalang maka-Binay na sina Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa Jr at Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte? Tiyak na magkakalamat sa LP kapag nabistong totoong pro-Binay sina Ochoa at Belmonte. Tsk. Tsk. Tsk.
HULING KABIT—Halos dalawang linggo na ang bakbakan ng mga armadong grupo sa Maguindanao, kabilang sa Mamapasano, pero waring hindi ito masyadong iniuulat sa media. Sabi ng ilang sources sa Mindanao, maaaring simula na ito ng kaguluhan doon sanhi ng ipinipilit na Bangsamoro Basic Law (BBL) na prioridad pa rin sa huling State of the Nation Address ni PNoy.
Mahirap pagtiwalaan ang Moro Islamic Libe-ration Front (MILF) lalo kung totoo na libo-libong armas mula sa Malaysia ang naipasok nila sa Mindanao para may sandata sila sakaling hindi pumasa ang BBL. Kakaunti ang na-decommission na mga armas ng MILF pero bakit libo-libo ang ipinasok ng Malaysia para sa kanila? Paghahanda ba ito ng Al-Qaeda-linked MILF sa umaatikabong giyera?
Kaalyado ng pamilyang Ampatuan ang dalawang lider ng mga grupong nakikipagbakbakan sa MILF at nagpapatayan sila dahil sa “territorial dispute” at hindi sa “land dispute” na ipinangangalandakan ng ilang taga-media. Kailan ba nagkaroon ng lupain ang MILF sa Maguindanao para magkaroon ng “land dispute” roon?
Tsk. Tsk. Tsk.