Ipakita natin sa mga lider ng China na hindi tayo takot sa kanilang pambabraso
Ariel Dim Borlongan
July 24, 2015
Opinion
NAPAKALAKI ng problema ng liderato ng China dahil mayroon nang maliliit na pag-aalsa sa karatig nating dambuhalang bansa. Ipagmalaki man ng liderato sa Beijing na kaya nilang lumikha ng tsunami sa isang sabay-sabay na ihian lamang ng populasyon nila para lumubog ang arkipelago natin, ikinukubli lamang ng ganitong kahambugan ang namumuong mga rebolusyon sa iba’t ibang bahagi ng China.
Ang totoo, gustong ipakita ng mga lider ng China sa kanilang mamamayan na matatag ang kanilang liderato pero sa panahong kapitalista na sila at marami na silang mamamayan na nasasarapan sa pamumuhay sa malalayang bansa tulad ng Pilipinas, parang bombang sasambulat sa mukha ng mga nakaupo sa Central Committee ng People’s Republic of China ang isang pag-aalsa lamang ng mga nagrerebeldeng lalawigan roon.
Sa Sabado (Hulyo 25), pangungunahan ng West Philippine Sea Coalition (WPSC) sa pangunguna ni dating Interior and Local Government secretary rafael Alunan III ang 3rd Global Day of Protest Against China ganap na alas-9:00 ng umaga sa Roxas Blvd., Maynila tapat ng Aristocrat Restaurant na sasabayan ng mga protesta sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nagdaos ng pulong balitaan ang WPSC nitong Hulyo 22 (Martes) sa Alex III Restaurant sa Matalino St., Quezon City na nagpahayag din ng kanilang mga saloobin ang mga kinatawan ng mga grupong Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM), Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), Guardians, Anti-Drugs Advocates, Motorcycle Philippines Federation at United Defense Manufacturing Corporation. May kinatawan din ang grupo ni dating Marine Capt. Nicanor Faeldon, Sosyalista at Kilusan Kontra Katiwalian at Kabulukan (4K).
Sa naturang okasyon, pinalutang ni Alunan ang paniniwala na mapipilay natin ang ekonomiya ng China kung sisimulan ang pagboykot sa mga produktong gawa sa nasabing bansa bilang ganti sa pambabraso ng Beijing sa Pilipinas partikular na sa West Philippine Sea.
Ayon sa dating miyembro ng Gabinete ni Pangulong Cory Aquino at Pangulong Fidel Ramos, dapat munang magsimula ng maliit na pagkilos ang mga pamilyang Pilipino para maipadama ang pagkontra natin sa agresibong aksiyon ng China sa mga islang matatagpuan sa ating karagatan.
Diin ni Alunan: “Kung ang bawat pamilyang Pilipino ay iiwasang bumili ng mga household products na galing ng China, sabihin na nating P250 kada linggo. May P1,000 ang hindi papasok sa kaban ng China. Kung may isang milyong Pilipino ang gagawa nito, malinaw na P1 bilyon ang mawawala sa kanila. E di lalo na kung aabot pa sa 10 milyong Pilipino ang nagkaisang iboykot sila?”
Bukod dito, iginiit niya na panahon na upang magkaisa ang sambayanang Pilipino para sa kapakanan ng Inang Laya.
Dagdag ni Alunan: “Kung hindi natin sisimulan ang pagkilos, kailan pa? Dapat muna nating kalimutan ang nakasanayang ugaling Pilipino na kanya-kanya. Burahin muna natin sa ating kalooban ang ugaling makasarili para matulungan naman natin si Inang Laya na labis na ring nagdurusa sa pambu-bully ng China.”
Likas ang katapangan ng lahing Pilipino kapag masyado nang agrabyado. Kaya magsama-sama tayo at ipakita sa China sa Sabado na hindi tayo natatakot sa kanilang pambabraso.