“SORRY!” “Pasensiya na!” at “Nagpapasalamat ako walang namatay sa inyo.”
Iyan ang mga kataga ni Inspector Noel Sitjar na nagpakilalang si Insp. Jonathan Bardaje ng San Antonio Police Station sa Zambales sa miyembro ng Barangay Police Special Force na si Benjie Palong Dida-Agon ng Brgy. Mangan Vaca, Subic sa nasabing lalawigan.
Sinabi ito ni Sitjar matapos pangunahan niya ang pagpapaulan ng bala ng M-16 rifle sa sinasakyang Kia Pride ni Dida-Agon kasama ang asawang si Jocelyn at dalawang anak na edad 6 at 3 dakong alas-10:00 ng umaga noong Abril 25, 2014 sa Govic Highway, Amira Field Subd. sa Brgy. Mangan Vaca sa Subic.
Natadtad ng mga tama ng bala ng sasakyan ng pamilya Dida-Agon ngunit himalang wala sa kanilang tinamaan kaya pinasibad ni Benjie ang sasakyan sa palengke ng Subic kung saan sila naabutan ng pangkat ni Sitjar.
Ang nakakatawa, matapos ang pagtatangka sa buhay ni Dida-Agon at kanyang pamilya, siya pa ang at kanyang misis ang kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act para ma-justify ng mga baluktot na pulis ang tangkang pagmasaker sa isang pamilya.
Dahil dito, kinasuhan ng mag-asawang Dida-Agon ang hepe San Antonio Police na si Bardaje, si Sitjar, SPO1 Mauro Antonio Turalba, PO3 Marlon Bada, ang hepe ng Subic Police Station na si Chief Insp. Oriano Mina at 29 pang pulis ng san Antonio, Subic at Castillejos pawang sa Zambales.
Humingi na ng tulong si Dida-Agon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Mar Roxas para mapabilis ang pag-usad ng kaso sa National Police Commission (Napolcom) sa Region 3 at Office of the Ombudsman kaya umaasa siyang masisibak ang mga baluktot na pulis na nagtangkang magmasaker sa buo niyang pamil-ya sa pagtatalaga kay Philippine National Police chief Director General Ricardo Marquez.
Sabi ni Dida-Agon: “Nakikiusap po kami na sana ay mapakinggan ni DILG Sec. Roxas ang aming kahilingan na pabilisin ang pagbibigay ng hustisya sa aming pamilya na hanggang ngayon ay nakakaramdam ng takot para aming kaligtasan at nagtatago at walang layang makalabas ng aming tahanan dahil baka maulit na naman ang pag-ambush sa amin.”
Palipat-lipat ng tirahan ngayon ang pamilya ni Dida-Agon dahil noong nakaraang linggo lamang, isang kaibigan niya ang tinanong ng mga nagpakilalang sina PO2 Jesson Santos at PO2 Pebbert Cardona at hinahanap ang biktima na gusto na rin humingi ng tulong sa mga rebeldeng Muslim para matamo niya ang tamang hustisya.