“Kaya’t huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba’t ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo’y pagharian ng Diyos at mamuhay na ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay sa inyo ang lahat ng inyong panganga-ilangan”. Mateo 6: 31-33
Sa isang monasteryo para sa mga monghe, matinding disiplina ang pinaiiral lalo na sa pagpapanatili ng katahimikan. Bawal ang magsalita para sa mga bagong pasok at pinapayagan lang silang magsalita tuwing ikalawang taon at hanggang dalawang salita lamang. May isang mayamang binata na pumasok sa monasteryo at kahit nahirapan siya, tiniis niyang hindi magsalita. Matapos ang dalawang taon, nang binigyan siya ng pagkakataong bigkasin ang dalawang salita, ito ang kanyang sinabi, “Pagkain, kulang.” Pagkaraan ng dalawa pang taon, ang sabi niya, “Kama, matigas.” Matapos ang dalawa pang taon, ito na ang binigkas niya, “Ayaw na.” At nilisan niya ang monasteryo.
Hindi kataka-taka ang nangyari sa mayamang binata. Wala siyang nakita kundi ang mga kapintasan at ang hindi maganda sa kanyang paligid. Ikaw, kapatid, ano ang iyong bukang-bibig tuwing kinukumusta ang iyong buhay? Kaagad mo bang idinaraing ang kahirapan ng buhay, ang iyong mga kawalan o ang mga problem mong dinaranas?
Sinasabi sa Salita ng Diyos na huwag nating pagtuunan ng pansin ang mga problema o mga hindi maganda sa ating buhay. Kapag ito ang ginawa natin, tulad nang ginawa ng binatang pumasok sa monasteryo, panghihinaan lang tayo ng loob at baka tuluyan nang sumuko at ayawan ang mabuhay. Sa halip nito, inaatasan tayo ng Diyos na unahing pagsikapan na maghari Siya sa atin at mamuhay tayo ayon sa kanyang kalooban. Maaaring hindi natin makamit ang lahat ng ating kagustuhan ngunit nakatitiyak tayo na ibibigay niya ang lahat ng ating mga pangangailangan. Ito ang kanyang pangako.
Gusto mo bang mabago ang takbo ng iyong buhay? Mamuhay ka ayon sa kalooban ng Diyos. Hindi lang panloob na kapayapaan ang iyong makakamtan kundi pati na ang mas positibong pananaw sa anumang pagsubok na dumating sa iyong buhay. Higit sa lahat, malulubos din ang iyong siguridad dahil nasa iyo ang pinakamahalagang bagay sa buhay: ang pagmamahal ng ating Maykapal.
(Ang PAN-BUHAY ay isang pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng panulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibigay-Buhay”)
ni Divina Lumina