BAGAMA’T hindi napili sa 2015 Rookie Draft ng National Basketball Association ay mayroon pa namang tsansa si Bobby Ray Parks na matupad ang pangarap na sundan ang yapak ng kanyang amang si Bobby Parks at makapaglaro sa NBA.
Ito ay matapos na maanyayahan siya ng Dallas Mavericks.
Kailangang magpakitang-gilas nang husto si Boby Ray upang talunin ang mga iba pang binigyan ng Dallas ng pagkakataon na maging bahagi ng kanilang koponan para sa susunod na NBA season.
Sa totoo lang, maganda ang tsansa ni Parks. Hindi naman siya dehado kung pinagmanahan din lang ang pag-uusapan. Dati namang NBA player ang kanyang ama bago naglaro sa Philippine Basketball Association kung saan pitong beses siyang naparangalan bilang Best Import.
At siyempre, puwede rin namang papirmahin siya ng Mavericks upang maakit ang Filipino community sa Estados Unidos at sa buong mundo. Global na ang NBA, hindi ba?
Of course, hindi naman purong Pinoy si Bobby Ray at may nauna na sa kanyang mga half-Pinoy na umabot sa NBA tulad ni Raymond Townsend.
Pero siyempre, magiging source of pride pa rin siya para sa atin. Dito naman sa Pilipinas talaga nahasa nang husto si Bobby Ray matapos na maglaro para sa National University Bulldogs sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at PBA D-League.
Huli siyang naglaro sa Hapee Toothpaste at naging bahagi ng koponang nagkampeon sa Aspirants Cup kung saan siya ang itinanghal na Most Valuable Player. Hindi niya natapos ang Foundation Cup.
Well, kung saka-sakaling hindi magtatagumpay sa kanyang ambisyon na maglaro sa NBA, si Bobby Ray ay tiyak na pag-aagawan sa PBA. Baka nga mapag-isipan nang husto kung sino sa kanila ni Moala Tautuaa ang magiging number one pick ng 2015 PBA Draft
Okay na rin iyon dahil masusundan pa rin niya ang yapak ng kanyang ama.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua