San Juan City Querida de Manila (What are we in power for?)
Jerry Yap
June 25, 2015
Bulabugin
‘YAN ang sinasabi ngayon ng mga prominenteng tao sa Maynila.
Ang San Juan City raw ay parang Querida ng Maynila.
‘Yun bang tipong, konti na lang, pwede na silang pag-isahin dahil sa tila ‘magkakabit’ na kapangyarihan na nangingibabaw sa dalawang lungsod.
Ang piesta ni San Juan Bautista na pinagkuhaan ng pangalan ng nasabing lungsod ay Hunyo 24 habang ang foundation day ng Maynila ay Hunyo 24 rin.
Aba, ‘e parang kambal o magkakabit nga na siyudad talaga.
Pero hindi natutuwa sa ideyang ito ang ilang residente ng Maynila lalo na ang mga mawawalan ng tahanan at komunidad diyan sa Sta. Mesa, Maynila dahil sa kapangyarihang iwinawasiwas ngayon ng ‘magkakabit’ na kapangyarihan.
Sa Barangay 600, Zone 59 sa Sta. Mesa, Maynila, nanganganib na mawalan ng tahanan ang tinatayang 900 pamilya na halos 50 taon nang nakatira riyan dahil kinakamkam umano ng kompanyang G-Liner ang loteng kinatitirikan ng kanilang mga bahay.
Katunayan, Hunyo 19 — Jose Rizal Day — ay sinimulan nang suyurin at gibain ng bulldozer at backhoe ang ilang estruktura sa nasabing area.
Kaya mula pa noong Sabado hanggang nitong Martes, tumindi ang tensiyon.
Napayapa nang kaunti ang mga residente nang makakuha sila ng temporary restraining order (TRO) dahil mayroon pang nakabinbing kaso sa isang korte sa Maynila.
Kaya nagtataka tayo kung bakit nakalusot ‘yung bulldozer at backhoe gayong hindi pa pala tapos ang kaso sa korte.
Kung tutuusin, ang mga residente sa nasabing lugar na halos 50 taon nang naninirahan ang may karapatan na mag-ari ng nasabing lupa lalo’t sila ay awardee ng National Housing Authority (NHA).
Pero nagtataka nga sila kung bakit biglang tila nagkaroon ng kapangyarihan ang may-ari ng G-Liner sa loteng kinatatayuan ng kanilang mga tahanan.
Kaya nga lalo silang naniwala na mayrooong ‘magkakabit’ na kapangyarihan ang San Juan at Maynila?
Akala kasi nila, personal lang ang ugnayan nina Mayor Guia G. Gomez at Erap Estrada. Akala kasi nila, nanay at tatay lang ni Sen. JV Ejercito sina Guia at Erap.
‘E huwag na po tayong magtaka…
Sabi nga ‘e weder-weder lang ‘yan… o sa pinakamalupit na hirit — What are we in power for?!
Aba ‘e anyare kina konsehal Atty. Priscilla Abante and Lanie Marie Lacuna ng Distrito 6 ng Maynila?!
Hindi ba ninyo nasubaybayan kung ano ang nangyari sa mga constituents ninyo diyan sa Barangay 600?!
Ni hindi man lang ba ninyo naipagtanggol ang karapatan nila sa paninirahan?
Aba ‘e, dinastiya na ang mga apelyido ninyo sa local government, hindi na naman siguro kayo mga bagito…
UMAKSIYON naman kayo Konsehal Abante and Konsehal Lacuna!!!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com