MARAMING mga manonood ng PBA Governors’ Cup ang napansing hindi naglaro sina Jayson Castro at Ranidel de Ocampo sa unang laro ng Talk n Text kontra Barangay Ginebra San Miguel noong Linggo.
Pinagpahinga silang dalawa ni Tropang Texters head coach Jong Uichico pagkatapos ng huling finals ng Commissioner’s Cup kung saan tinalo ng TNT ang Rain or Shine at isang linggo lang ang paghahanda ng Texters para sa bagong komperensiya.
“Namamaga ang kanang paa ko, yung sa Achilles,” wika ni Castro. “Game 6 (ng finals) nangyari ito at sa Game 7, masakit pa ang paa ko. Wala pa akong alam kung kailan ako makakalaro pero sa Tuesday (ngayon) magsisimula ang workout ko.”
“Yung kanang tuhod ko ang masakit pero hindi ako tatagal at babalik ako,” ani de Ocampo. “Baka next game ako lalaro. Mula pa noong finals pa ito nangyari.”
Dahil sa pagkawala nina Castro at De Ocampo, sumandal ang TNT sa dalawa nilang imports na sina Stephon Pettigrew at Sam Daghles upang talunin ang Ginebra, 95-91.
Nagtala si Pettigrew ng 33 puntos at 12 rebounds samantalang nagdagdag si Daghles ng 12 puntos at anim na assists.
Inamin ni Daghles na nahirapan siya sa pag-adjust niya sa laro ng PBA dahil iba ang bola na ginamit niya sa laro kumpara noong siya’y naglaro sa national team ng Jordan.
“The difficult part was getting used to that new ball. It was slippery,” sambit ni Daghles. “It was the hardest adjustment but the game is the same. They let us play a little bit more in the PBA. I just gotta get used to it and hopefully by next game, things will be easier for me. I grade myself a C today but I had a good feeling about my teammates. I hope to play much better next game and we will be a very tough team when Ranidel and Jason come back.”
(James Ty III)