BABALIK ang Sinag Pilipinas sa OCBC Arena sa Singapore para naman sa kampanya nito sa men’s basketball ng Southeast Asian Games mula Hunyo 5 hanggang 16.
Llamado ang tropa ni coach Tab Baldwin na muling mapanatili ang gintong medalya sa SEAG pagkatapos na nilampaso nila ang oposisyon sa katatapos na SEABA kamakailan sa Singapore din.
Unang makakalaban ng Sinag ang Indonesia sa Hunyo 10, Malaysia sa Hunyo 11 at Timor Leste sa Hunyo 12.
Naka-braket ang mga Pinoy sa Group A samantalang nasa Group B ang Singapore, Cambodia, Myanmar, Vietnam at Thailand na hindi sumali sa SEABA.
Ang top 2 sa bawat braket ay haharap sa crossover semis sa Hunyo 14 at ang labanan para sa ginto ay gagawin kinabukasan.
Hindi pa natatalo ang Pilipinas sa men’s basketball sa SEA Games mula pa noong 1989 sa Kuala Lumpur.
Isinama sa lineup ng Sinag si Arnold Van Opstal ng De La Salle University para sa SEA Games kapalit ni Russell Escoto.
Kasama rin sa tropa ni Baldwin sina Marcus Douthit, Kiefer Ravena, Bobby Ray Parks, Troy Rosario, Scottie Thompson, Glenn Khobuntin, Mac Belo, Jiovanni Jalalon, Norbert Torres, Almond Vosotros at Kevin Ferrer.
(James Ty III)