Veloso inilipat na sa Execution Island (Kahit ‘di pa nakakausap ng pamilya) HATAW News Team
hataw tabloid
April 25, 2015
News
KINOMPIRMA ng Deparment of Foreign Affairs (DFA) na inilipat na sa isang island prison sa Indonesia ang Filipina na si Mary Jane Veloso.
Ayon kay DFA Spokesperson Charles Jose, mula sa Wirogunan Penitentiary sa Yogyakarta ay dinala si Veloso sa Nusakambangan Island prison sa Central Java.
Hindi aniya naabisohan ang mga abogado ng Filipina maging ang Philippine Embassy sa pangyayari lalo’t magkikita pa dapat si Veloso at ang kanyang pamilya sa Yog-yakarta.
Ani Jose, iniatas ng pamahalaan ng Indonesia na ilipat ang lahat ng nasa death row sa jail complex sa Nusakambangan, mayroon man o walang pending appeal.
Ang naturang isla ay binansagang execution island dahil doon isinasagawa ang firing squad sa mga hinatulan ng kamatayan.
Sa report ng ilang foreign press, dalawa ang shooting fields sa Nusakambangan Island. Kalimitang sa kalaliman ng gabi isinasagawa ang pagpatay sa mga convict. Itinatali ang mga convict sa poste at kalimitang nakasaklob ang ulo o naka-piring ang mata saka babarilin ng 12 miyembro ng firing squad.
Sa ngayon, hindi pa batid kung makakausap pa ng pamilya Veloso, na nasa Indonesia na rin, si Mary Jane kahit nakapagpa-schedule na sila ng pagbisita dahil wala na nga ang Filipina convict sa Yogyakarta.
Ayon kay Jose, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DFA sa mga abogado ni Veloso at sa embahada sa Indonesia.
Sa report ng Reuters, sinabihan na ng pamahalaan ng Indonesia ang mga foreign embassy na magtungo sa maximum security prison para sa inaasahang execution ng kabuuang 10 drug convicts.
Bukod kay Veloso, nakatakdang isalang sa firing squad ang ilang convicts mula Australia, Brazil, France at Nigeria. Wala pa rin petsa ng execution.
Samantala, nanawagan si Vice President Jejomar Binay na patuloy na ipanalangin si Veloso. Nasa Indonesia si Binay at una nang kinausap ang counterpart na si Jusuf Kalla para iparating ang apela ng Filipinas sa kaso ni Veloso.
2nd APPEAL INIHAIN NA
MAKALIPAS ang ilang oras nang mailipat sa execution island ang Filipina drug convict na si Mary Jane Veloso, inihain na ng Filipinas ang ikalawang appeal para sa judicial review sa layunin na iligtas ang kababayan bago isalang sa firing squad.
Ayon kay Foreign Affairs Usec. Jesus Yabes, umaasa silang agad tutugunan ng hukuman sa Indonesia ang pangalawang apela nilang inihain kahapon.
Magugunitang ibinasura ng Korte Suprema ng Indonesia ang unang apela ng Filipinas noong Marso.
Ngunit ayon kay Yabes, nakapaloob sa pangalawang appeal ang patunay na hindi drug smuggler si Veloso batay sa imbestigasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency kundi biktima lamang siya ng mga sindikato ng illegal na droga.
Nabatid na inilipat na si Veloso sa Nusa Kambangan prison island sa Cilacap, Central Java, ang lugar kung saan isinasagawa ng Indonesia ang executions sa mga drug convict.
RECRUITER NI VELOSO KINASUHAN NA
SINAMPAHAN na ng kaso ang recruiter ng Filipina na nasa death row sa Indonesia, na si Maria Kristina Sergio alyas Tintin.
Ito ang inihayag ni Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose sa press conference nitong Biyernes ng hapon.
“Our PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) agents and PNP agents went to Jogjakarta to talk to Mary Jane to get more info and subsequent to that visit, our concerned law enforcement agencies have filed charges against the recruiter Kristin Sergio. Charges of illegal recruitment, human trafficking and estafa are filed against her.”
Ani Jose, “The cases are now in the Department of Justice pending preliminary investigation.”
Matatandaan, inireklamo ng asawa ni Veloso na si Michael Candelaria, ang recruiter ng misis niya at sinabing si Sergio ang may kagagawan kaya nakitaan ng heroin sa maleta si Veloso, dahilan para arestuhin siya sa Jogjakarta noong 2010.
Ngunit depensa ni Sergio, totoong tinulungan niyang maghanap ng trabaho si Veloso ngunit mariin niyang itinanggi na may kinalaman siya sa kaso.
Hindi rin aniya siya miyembro ng sindikato at humiling na huwag siyang husgahan ng publiko.
Sa kabila ng mga ebidensya ng PDEA na marami nang nabiktima si Sergio sa Nueva Ecija kung saan siya residente at kapitbahay ni Veloso, handa aniya siyang humarap sa ano mang imbestigasyon.
807 PINOYS SA DEATH ROW SASAGIPIN NI PNOY
MAKARAAN mabigong maisalba sa bitay ang anim overseas Filipino workers (OFWS) mula noong 2011, pinakilos ni Pangulong Benigno Aquino III ang kaukulang mga ahensiya para tulungan ang 807 Filipino na nakapila sa death row dahil sa kasong drug trafficking.
Sinabi ni Communications Secretary Hermino Coloma Jr,. pinasasaklolohan ni Pangulong Aquino sa Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga akusadong OFWs at kani-kanilang pamilya.
Base sa records ng DFA, 807 Filipino ang nakapila sa death row dahil sa kasong drug trafficking sa mga bansa sa Amerika, Middle East, Asia at Europa at 40 sa kanila ang naghihintay na lang ng execution.
Giit ni Coloma, pinaiigting na ng mga ahensiya ng gobyerno ang massive information campaign sa mga kababayan natin sa mga lalawigan na gustong magtrabaho sa abroad na sundin ang mga batas upang maiwasang makulong at mabitay.
Mula nang maluklok si Pangulong Aquino sa Palasyo ay limang OFWs na ang binitay sa China sa kasong drug trafficking, habang ang Filipina drug convict na si Mary Jane Veloso ay dinala na kahapon sa Nusakambangan island sa Indonesia at naghihintay na lamang ng execution by firing squad.
(ROSE NOVENARIO)