IPALALABAS ng ABS-CBN Sports+Action ng live ang magaganap na salpukan ng East at West sa NBA All-Star Game sa Lunes (Peb. 16). Ang laban ay mas pagagandahin pa lalo ng komentaryo nina TJ Manotoc at Boom Gonzalez mula sa mecca ng basketball, ang Madison Square Garden sa New York.
Pangungunahan nina LeBron James (CLE), John Wall (WAS), Kyle Lowry (TOR), Pau Gasol (CHI) at Carmelo Anthony (NYK) ang East. Ibabandera naman nina Stephen Curry (GSW), Anthony Davis (NOP), Marc Gasol (MEM), Kevin Durant (OKC) at James Harden (HOU) and West. Dalawa sa starters ng West na si Kobe Bryant (LAL) at Blake Griffin (LAC) ang di makakasali sa midseason classic dahil sa injuries. Ganun din si Dywane Wade (MIA) na reserve sa East).
May anim na baguhan sa All-Star Game na ito. Sila ay sina Jimmy Butler (CHI), DeMarcus Cousins (SAC), Kyle Korver (ATL), Kyle Lowry (TOR), Jeff Teague (ATL), at Klay Thompson (GSW). Si Korver ang papalit sa pwesto ni Wade.
Ang All-Star Game na ito ay magkakaroon din ng apat na player mula sa iisang koponan na hindi pa nangyari mula nung 2011 kung san pinadala ng Boston Celtics sina Rajon Rondo, Paul Pierce, Ray Allen, at Kevin Garnett. Ipadadala ng Atlanta Hawks sina Korver, Teague, Paul Millsap at Al Horford ngayong taong ito.
Isang nakatutuwang pangyayari din ang pag-start ng magkapatid na Gasol sa magiging laro sa Lunes. Ito ang kauna-unahang pangyayari sa buong kasaysayan ng NBA.
Ang “2015 NBA All-Star Game” ay mapapanood 9:30 ng umaga sa Lunes (Peb. 16) ng live sa ABS-CBN Sports+Action. Magkakaroon din ito ng primetime telecast sa ABS-CBN Sports+Action ng 7:00 ng gabi.