Advice ‘di order ang ibinigay ko — Purisima
hataw tabloid
February 10, 2015
News
NILINAW ni dating PNP Chief Alan Purisima, tanging pagbibigay ng ‘advice’ lamang at hindi orders ang kanyang naging bahagi sa Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao.
Sa kanyang pagharap sa Senate Public Order Committee hearing, dumistansya si Purisima sa kontrobersya sa nasabing operasyon na ikinamatay ng 44 SAF commandos sa pagsasabing “during my preventive suspension, I did not give any orders to any PNP official or personnel regarding Oplan Exodus.”
“But if ever I uttered words to that effect, it was in the form of an advice not as a directive or order.”
Disyembre 2014 nang patawan ng 6-buwan preventive suspension si Purisima ukol sa maanomalyang kontrata sa gun owners’ courier fees.
Dagdag ni Purisima, dapat alam ni dating PNP-SAF Chief Getulio Napeñas na hindi siya dapat tumanggap ng utos mula sa isang suspendidong opisyal.
“I have no role in that operation (Oplan Exodus),” giit ni Purisima.
Matatandaan, inamin ni Napeñas na inutusan siya ni Purisima na sabihan lamang sina PNP OIC Chief Leonardo Espina at SILG Mar Roxas ukol sa operasyon oras na nasa lugar na sila.
Depensa ni Purisima, suporta lamang ang kanyang pahayag sa orihinal nang plano ng PNP-SAF. “There is no further motivation. That is just what’s written in the plan and I agreed to that plan.”
Habang sa nabanggit na pre-operation meeting na ginanap sa ‘white house’ na official residence ng PNP chief, sinabi ni Purisima, wala siyang sinabi bukod sa kanyang obserbasyon at nakinig lamang siya.
Mando sa Mamasapano inako ni Napeñas
INAKO ng sinibak na hepe ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na si Getulio Napeñas ang pagpapatuloy at pagmamando sa operasyon sa Mamasapano.
Sa pagharap sa Senado nitong Lunes, binanggit ni Napeñas na Nobyembre 2014 nang aprubahan ng noo’y PNP chief ma si Alan Purisima ang operasyon target ang mga teroristang sina Zulkifli bin Hir alyas Marwan at Basit Usman.
Bagama’t nasuspinde si Purisima, sinabi ni Napeñas na nagdesisyon siyang ituloy ang plano nitong Enero.
“I was the one in command at the tactical command post… I was the one handling and directing the operations.”
Sa mismong araw ng operasyon, nagpapadala aniya ng mensahe si Purisima na itinuring niyang advice o payo, na nakatulong sa operasyon.
“It is not an order. He was providing vital information through text messages as regards to the conduct of the operations and some items or information pertaining to his talks with the MILF (Moro Islamic Liberation Front) and the support he’s asking from the Armed Forces,” ani Napeñas.
Original plan ng SAF sa Mamasapano Mission ‘di nasunod (Ayon sa PNP-BOI)
HINDI naisakatuparan ng 392 tropa ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) ang orihinal na plano sa misyon sa Mamasapano, Maguindanao.
Ito ang findings na iprinisenta ni Police Director Benjamin Magalong, chairman ng binuong Board of Inquiry (BOI) ng PNP kaugnay sa imbestigasyon sa Mamasapano mission, sa pagharap niya sa Senate hearing kahapon.
Hanggang nitong Linggo, Pebrero 8 aniya ay nakapagsagawa na ang BOI ng 374 interview at nakapangalap ng 318 sworn statement mula sa text, call logs at special report na isinumite ng SAF, local police at ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Aniya, 46 imbestigador ang nagtutulong-tulong sa pangangalap ng mga impormasyon ukol sa madugong bakbakan.
Batay sa inisyal na nakalap na detalye kaugnay ng Oplan Exodus, inihayag ni Magalong na 392 SAF commando mula sa 12 iba’t ibang operating group ang nagsagawa ng mission target laban sa dalawang terorista.
“One group was assigned as the main effort for a support effort, 2 groups as blocking forces and 2 groups for route security. An advance command post and a tactical command post were established for command and control. The area of operations was located in Mamasapano, Maguindanao.”
“The 84th Special Action Company or well known as seaborne was designated as the main effort of the operation. It was tasked to enter Marwan’s encampment and arrest Marwan and Usman. The plan called for the deployment of the 55th, 45th, 42nd, and 41st Special Action Companies as containment forces along the entry and exit routes of the seaborne.”
Gayonman, hindi aniya naisakatuparan ang orihinal na plano dahil sa iba’t ibang rason gaya ng napakahirap na lugar ng operasyon at malakas na agos ng ilog papalapit sa target.
“Except for the seaborne unit, the other units did not reach their designated positions. The movement of the seaborne took about 2 hours longer than planned. They were delayed by the difficult terrain and the strong river current near the target. The departure of the support groups accordingly were delayed because the plan called for synchronization of their movement with that of the seaborne. Notwithstanding the foregoing, the seaborne was still able to reach its objective and neutralize Marwan,” ani Magalong.
Nagawang masunod ng seaborne unit na makalabas sa plinanong ruta habang determinado ang 55th SAC na suportahan sila ngunit napasabak na sa matinding enkwentro sa kalaban.
250 MILF, BIFF napatay ng SAF (Ayon kay Napeñas)
IGINIIT nang nasibak na hepe ng Special Action Force (SAF) na si Police Director Getulio Napeñas, “mission accomplished” o tagumpay ang naging operasyon laban sa international bomber na si Marwan kahit 44 mga tauhan ang namatay sa Mamasapano, Maguindanao.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Napeñas, taliwas sa pahayag ng MILF na 18 lang ang namatay sa kanilang hanay, tinatayang nasa 250 miyembro ng MILF, BIFF at private armed groups ang nabaril ng SAF commandos.
Mismo ang nagsabi raw nito sa kanya ay si Supt. Raymond Train na nakasama sa operasyon laban kay Marwan.
Gayondin sa pagtatanong sa SAF survivor na si Police Office 2 Christopher Lalan.
“Mission accomplished. These are the only words that SAF troopers need to hear,” dagdag ng dating SAF chief.
Sinabi ni Napeñas, humingi sila ng tulong sa militar sa gitna ng bakbakan.
Kung dumating lang aniya ang artillery support na kanilang hiningi ay baka nag-iba ang sitwasyon.
250 napatay na BIFF, MILF unbelievable
IPINAGKIBIT-BALIKAT lamang ng MILF at BIFF ang pahayag ni dating Special Action Force Commander Getulio Napeñas na halos 250 rebelde ang napatay ng police commandos sa 11 oras na sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Von Al Haq, Vice Chairman for Military affairs ng MILF, baka pati mga bato sa lugar ay binilang na ng SAF bilang casualties sa enkwentro.
Pinasinungalingan din niya ang sinasabing malapitan na pagbaril sa napatay na mga tropa ng gobyerno at binigyang-diin na hintayin na lamang na matapos ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa insidente.
Sa panig ng BIFF, sinabi ng tagapagsalita ng grupo na si Abu Misri Mama, imposibleng makapatay nang marami ang SAF dahil napaligiran sila ng kanilang mgatauhan kasama ang MILF.
P.1M gastos sa Mamasapano Operation
UMABOT sa P100,000 ang gastos ng pamunuan ng PNP Special Action Force (SAF) sa isinagawang operasyon sa Mamasapano na target na ma-neutralize ang most wanted terrorist sa buong Asya na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Ayon kay dating SAF chief Police Director Getulio Napeñas, ang nasabing pera ay galing mismo sa kanilang pondo.
Sinabi ni Napeñas, hindi bababa sa P100,000 ang kanilang gastos na ginamit sa pagkain at sasakyan ng mga tropa na sangkot sa operasyon.
Niño Aclan