HUMINGI ng dispensa si Quezon City Councilor Anjo Yllana kay Kris Aquino sa mga post ng kapatid niyang si Jomari Yllana laban kay Presidente Noynoy Aquino.
Si Quezon City Mayor Herbert Bautista muna ang tinext ni Anjo na ipinasa naman ni HB kay Kris na naglalaman ng, ”Bernadette (tawag ni Herbert kay Kris), from Coun Anjo Yllana—Mayor ‘pag nakausap mo Kris, pakisabi pasensiya na kay Jom, napagalitan ko na rin. ‘Pag nakausap mo lang Boss hehehe. Thanks. Good day!”
Idinagdag din ng Kris TV/Aquino & Abunda Tonight host na nag-text din sa kanya ng personal si Anjo, ”truth is I always cared for you. Thank you Mare. If there’s anything…sorry and kaya n’yo ‘yan.”
Inamin ni Kris na magaan na ang pakiramdam niya ngayon dahil bukod kay Presidente Joseph Estrada na tumawag sa kanya tungkol sa ginawa ng anak na si Maria Jerika Ejercito ay humingi na rin ng pasensiya ang kuya ni Jomari.
Moving forward na si Kris lalo’t kaarawan niya sa Pebrero 14 at humingi raw siya ng bakasyon sa ABS-CBN dahil pupunta sila ng Japan kasama ang dalawang anak na sina Josh at Bimby.
ni Reggee Bonoan