LA UNION – Patay ang isang Arabian national habang nakaligtas ang dalawa niyang kasamahan makaraan malunod sa karagatang sakop ng Brgy. Urbiztondo, sa bayan ng San Juan, La Union kamakalawa.
Kinilala ang namatay na si Amgad Faez Abdullah Qasem, 16, taga-Riyadh, Saudi Arabia, at kasalukuyan nakatira sa # 45 D’ Apartment 9, Brookside, Baguio City.
Ayon kay Senior Insp. Regelio Miedes hepe ng San Juan PNP, nagtungo sa dagat ang biktima kasama ang dalawang kaibigan para maligo.
Ayon kay Miedes, tinangay ng malalaking alon ang mga biktima na sanhi ng pagkalunod ni Qasem.
Napag-alaman, bago ang insidente ay naabisuhan na ang biktima na huwag maligo sa malim na parte ng dagat ngunit hindi nila ito inalintana.
Inihayag din ni Miedes na inamin ng dalawang nakaligtas na pare-pareho silang hindi marunong lumangoy.