NAGTATAKA lang tayo kung bakit sa dinami-dami ng mga naglalabasang survey-survey tungkol sa kung kani-kaninong politiko ‘e hindi man lang tayo natanong o kahit man lang ang isa sa mga kakilala natin.
Mahigit kalahating siglo na ang inyong lingkod dito sa Metro Manila pero wala tayong aktuwal na survey na nakita sa lansangan.
Kaya naman hindi na tayo nagtataka kung bakit ang mga inilalabas na survey sa mga news item ay nagagawang maibaling o maimanipula kung kanino ito ipapabor.
Sonabagan!!!
Honestly, wala akong kabilib-bilib diyan sa mga lecheng survey na ‘yan!
Ano ang nais nating puntuhin?!
Ang survey ay isang mind conditioning na ginagamit na ‘hulmahan’ para sa mga target constituents.
‘Yun po talaga ang masakit dito sa ating bansa. Mayroong mga sector o saray na walang kakayahang limiin ang sistema ng politika sa bansa.
Karamihan ng botante natin ay nag-iisip o pumipili ng kanilang ibinoboto batay sa kung gaano nila kadalas nakikita sa telebisyon o gaano nila kadalas nababasa sa diyaryo.
At dahil kapos sila sa kakayahang suriin ang impromasyon mula sa media, kung sino ang naikintal sa kanilang isipan ay ‘yun ang kanilang ibinoboto.
Isa po sa instrumento para sa mind conditioning ‘yang sandamakmak na survey na ginagastusan ng limpak-limpak na salapi ng mga politiko.
Ano ang agenda nila para maglabas ng ganyan survey?
Iisa lang po ang basehan natin dito, na kahit kailan mula nang tayo ay magkaisip, wala pa tayong nakita o nakasalubong na actual survey.
‘Yun lang po.