PINABILIB na naman tayo ni Presidential Assistant on Rehabilitation and Recovery (PARR) chief Panfilo “Ping” Lacson nang maghain siya ng resignation dahil lumitaw sa kanilang huling assessment tapos na ang kanyang trabaho.
Hanggang Pebrero 10, 2015 ang transisyon ng mga proyekto.
Sa desisyon na ‘yan ni former Senator Ping Lacson napatunayan niyang hindi siya kapit-tuko sa puwesto (hindi gaya ng iba riyan).
Ibig sabihin, mula sa simula tanggap niya kung ano ang papel niya sa PARR. Tutukan na maumpisahan ang mga proyekto para sa mga nasalanta ng kalamidad.
At ngayong tapos na, malinaw rin sa kanya na dapat ay kusa siyang magbitiw.
Sa isang banda, mas mabuti na rin na nagbitiw na si Secretary Ping kasi kung magtatagal-tagal pa siya baka magmukha na siyang ‘flower vase.’
Sabi nga niya figuratively ay bossing siya pero wala siyang kontrol sa mga tao dahil sila ay nagmula sa iba’t ibang yunit o ahensiya ng gobyerno batay sa kanilang expertise o tungkulin.
Mas lalong wala siyang kontrol sa pondo dahil direktang nasa pamamahala ng national government.
Kapag nai-turnover na sa local government units ang mga proyekto sa ilalim ng rehabilitation and recovery, normal na unti-unting malulusaw ang PARR batay na rin sa mga inilatag na layunin ng pagkakalikha sa nasabing ‘super body.’
Ang pwede lang natin gawin ngayon, pasalamatan si Secretary Ping at kilalanin na bahagi siya ng kasaysayan para muling makaahon ang Tacloban, Leyte at iba pang lugar sa Eastern Visayas mula sa delubyo ng daluyong ni Yolanda.
Thank you and congratulations Secretary Ping Lacson! Good Job!