TAHASANG pinuna ng dating mambabatas na si Manila Rep. Benny Abante ngayong Martes ang pang-uurot ng mga mga kritiko ni Vice President Jejomar Binay na binansagang nasa “panic mode” mula nang simulan ng Senado ang imbestigasyon hinggil sa umano’y ‘overpricing’ ng Makati City parking building.”
“Kung may karapatan ang mga namamaratang sa Pangalawang Pangulo na pumukol ng mga alegasyong walang basehan, may karapatan din si VP Binay na pabulaanan ito at linisin ang kanyang pangalan,” ayon kay Abante, Chairman ng Bayan Mamamayan Abante Movement.
“Pinatunayan lamang ng mga pagdinig sa Senado na may mga tao talagang mas nakatuon ang atensyon sa 2016 elections kaysa pagsasabatas ng mahahalagang panukala. Kung may naka-mode rito, ito ang mga kritiko ni VP, na all-out ‘election mode’ na.”
Naunang nanawagan si Abante, dating Chairman ng House Committee on Public Information, sa Senado na tigilan na ang umano’y ‘investigations in aid of persecution’ at bigyan ng prayoridad ang paggawa ng batas at pagpasa ng mas napapanahong mga panukala gaya ng Freedom of Information (FOI) bill.
“Ang nakikinabang lang sa mga hearing ay senador na may balak tumakbo sa 2016. Bukod sa nagsasayang sila ng oras na dapat ilaan sa pagpasa ng importanteng batas, ginagamit nila ang senado para mga early campaigning,” daing ni Abante.
Nagsabi na kamakailan si Vice President Binay na inaasahan niya ang mga katulad na atake sa mga susunod na buwan bago dumating ang eleksyon sa taon 2016. Sa isang talumpating ibinigay ni Binay sa Financial Executives of the Philippines at sa Management Association of the Philippines, sinabi niyang ang isyu sa Makati Parking Building “ay umpisa lamang.”
“Hindi ito ang huli, umaasa kaming mas marami pa ang darating na isyu,” ayon kay Binay. Dagdag niya, “gaya ng mga naunang paratang sa akin, ang mga reklamo ay walang bahid ng katotohanan, walang basehan at itinulak lamang ng maruming politika na akala natin ay naitaboy na nang tuluyan kasabay ng dating administrasyon.”
HATAW News Team