ISA pa sa mga ikinagulat natin nitong mga nakaraang araw ang biglang pagbabago ng ihip ng hangin.
Mula sa masugid na pagsudsod ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga pork barrel plunderer na Senador at iba pang mga mambabatas, nagulat tayo ngayon kung bakit mukhang sa Palasyo magtatapos ang istorya ng pork barrel.
Bigla kasing pumutok ang isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP) — ang sinasabing pork barrel ni PNoy.
Kaya nitong million march anniversary, ito ang binitbit na isyu ng mga militante para patalsikin umano si PNoy.
Nagkaroon pa ng signature campaign para patalsikin si Pangulong Noynoy. Maging si Lipa Archbishop Arguelles ay nakilahok sa panawagan na pababain sa pwesto si PNoy.
What the fact!?
Teka, inirerespeto natin ang paghahayag ng damdamin mga militanteng grupo, pero hinay-hinay mga kapatid. (Hindi ba ang mga kinatawan n’yo ay gumamit rin ng pork barrel fund?)
Mayroon bang ebidensiya laban kay PNoy sa mga iniaakusa sa kanya?
Wala ‘di ba?
‘Yung mga Senador na nakakulong ngayon sa Crame, ‘yan ang may ebidensiya. At kombinsido ang sambayanan sa mga ebidensiyang ‘yan.
Pero kay PNoy, may ebidensiya na ba?
Esep-esep din po kapag may time…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com