ISA sa mga batang manlalaro mula sa NCAA na inaasahang magpapakitang-gilas kontra sa Ball Up Streetballers ni dating NBA superstar Allen Iverson ay si Javee Mocon ng San Beda College.
Isa ang 6’4″, 19-taong gulang na small forward mula sa Taytay, Rizal sa mga makakasama sa local selection na haharap sa grupo ni Iverson sa benefit na larong All In na gagawin sa Nobyembre 5 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang laro ay handog ng PC Worx at inorganisa ng I-Kurot at ang mga kikitain nito ay mapupunta sa Gawad Kalinga.
Ilan ding mga manlalarong sasabak kontra sa grupo ni Iverson ay sina PBA legends Jerry Codinera at Renren Ritualo, kasama pa ang kakampi ni Javee sa San Beda na si Ola Adeogun.
Inamin ni Javee na ganado siyang ipakita ang kanyang husay sa harap ni Iverson na magiging coach ng streetballers, pati na rin ang isa sa mga streetballers na si The Professor.
“Idol ko si Iverson,” wika ni Javee. “Minsan, ginagaya ko ang moves niya. I remember watching a game of him on TV when he made his crossover move against Michael Jordan. Idol ko rin si The Professor dahil sa husay niyang mag-dribble.”
Mula sa grade school niyang San Benildo sa Antipolo, lumipat si Javee sa San Beda Antipolo kung saan nanalo siya bilang MVP sa NCAA juniors noong 2012 at MVP at miyembro ng Mythical Five sa Filoil Flying V Hanes Premiere Cup noong 2012.
Dinala rin niya ang Red Cubs sa dalawang sunod na titulo sa NCAA juniors noong 2012 at 2013 bago siya isinama sa seniors lineup ni coach Boyet Fernandez ngayong taong ito.
Umaasa si Javee na sa susunod na taon ay mas lalong hahaba ang kanyang playing time sa San Beda sa pag-akyat sa PBA ng mga beteranong sina David at Anthony Semerad, kasama si Kyle Pascual.
“This year ay naghahanda na ako para maging isa sa mga leaders ng team. Sinasabi ni coach sa akin na kailangang mag-isip ako sa court at magbasa ng depensa. Our goal is to achieve a five-peat championship and a lot of teams are motivated to beat us,” pagtatapos ni Javee.
(James Ty III)