KOMPIYANSA si Rain or Shine head coach Joseller “Yeng” Guiao na kaya ng kanyang first round draft pick na si Kevin Louie Alas na punuan ang puwestong iiwanan ni Paul Lee kung tuluyan na itong aalis sa Elasto Painters.
Hanggang ngayon ay hindi sumusuko si Guiao sa kanyang paniniwalang makakabalik pa rin si Lee sa ROS kahit ayaw ng huli na pumirma ng bagong kontrata na may maximum na suweldong P420,000 buwan-buwan.
“Meron tayong options like Kevin at talagang in-anticipate itong worst case,” wika ni Guiao sa PBA Rookie Draft noong Linggo. “Pag hindi nangyari yung worst case, masaya kami. Hindi masasayang si Kevin kahit nandoon si Paul kasi malakas ang backcourt namin. We are working on retaining Paul.”
Bukod kay Alas, nakuha rin ng Rain or Shine ang ibang mga guwardiya sa draft tulad nina Jericho Cruz ng Adamson, Kevin Espinosa at Mike Gamboa ng UP Maroons.
“Tatay ko grabe kung sigawan ako, so pagdating kay coach Yeng, sanay na naman ako,” ani Alas na anak ng assistant coach ng Alaska na si Louie.
Nakuha ng Aces sa draft ang kapatid ni Kevin na si Junjun.
Samantala, iginiit ni PBA Commissioner Chito Salud na dapat ayusin ni Lee ang kanyang problema sa ROS at kung lalala pa ito ay siya mismo ang makikialam sa kaso.
“Many fans are perplexed by Paul Lee’s case because Rain or Shine’s offer is the maximum allowed already under the rules of the PBA in terms of salary cap. Rain or Shine and Paul Lee should sort things out and the office of the commissioner is open to arbitration in case both parties don’t come to an agreement,” ani Salud.
(James Ty III)