SA harap ng puntod nina dating Sen. Ninoy Aquino at Pangulong Cory Aquino kahapon, isinapubliko ng isang pari ang kanyang panalangin na sana hindi matapos ang panunungkulan ni Pangulong Benigno Aquino III upang magpatuloy ang ‘tuwid na daan’.
“Kung ako lang po ang masusunod, ako’y isang ordinaryong pari lang, on this personal note: Sana hindi na matapos iyong paglilingkod ng ating Mahal na Pangulo para tuluy-tuloy pa rin ang magandang nasimulan sa pagtutuwid at pagtatama ng daan,” sabi ni Father Daniel Tansip, Presidential Security Group (PSG) chaplain, sa kanyang homily sa misa para sa ika-31 anibersaryo nang pagpaslang kay Sen. Ninoy, sa Manila Memorial Park sa Paranaque City.
Ang naturang misa ay dinaluhan nina Pangulong Aquino, Kris Aquino, Maria Elena “Ballsy” Aquino-Cruz, Aurora Corazon “Pinky” Aquino- Abellada, at Victoria Elisa “Viel” Aquino-Dee, Josh at Bimby.
Dalawang linggo nang pinag-uusapan ang isyu ng term extension ni Pangulong Aquino sa pamamagitan ng Charter change (Cha-cha).
(ROSE NOVENARIO)
31ST DEATH ANNIV NI NINOY GINUNITA
PINANGUNAHAN ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang paggunita sa ika-31 anibersaryo ng kamatayan ng kanilang ama na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., sa Paranaque City.
Dakong 10:14 a.m. nang dumating ang magkakapatid na sina Balsy, Pinky, Viel, at Kris sa libingan ng kanilang ama sa Manila Memorial Park sa Sucat, Paranaque.
Nag-alay ng misa at mga bulaklak ang magkakapatid na Aquino sa puntod ng kanilang ama.
Mahigpit na nagpatupad ng seguridad sa besinidad ng naturang libingan ang mga tauhan ng Paranaque City Police.
Matatandaan, pinaslang si dating Senador Ninoy Aquino noong Agosto 21, 1983, sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, na namayapa na rin.
Binaril ng mga sundalo ang dating senador habang pababa sa Tarmac ng Manila International Airport, ngayon ay Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Si Ninoy ang mahigpit na kalaban ni Marcos at tumuligsa sa Martial Law, at pagiging diktador ng dating pangulo.
(JAJA GARCIA)
MAKATI RESIDENTS NAGMARTSA VS KORUPSIYON
NAGMARTSA ang isang anti-corruption group patungo sa bantayog ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., upang mag-alay ng mga puting bulaklak na may ribbon na kulay dilaw para sa ika-31 anibersaryo ng kamatayan ni Ninoy at bilang protesta at panawagan na isalba ang lungsod ng Makati laban sa katiwalian.
Base sa report ng Makati City Police, pasado 11:00 a.m. nang magtungo sa bantayog ni Ninoy sa panulukan ng Paseo De Roxas at Ayala Avenue sa Makati City ang grupong tumutuligsa sa administrasyon ng mga Binay at nakasaad sa placard ang mga katagang ”SAVE Makati and STOP Corruption.”
Ang naturang protesta ay pinangunahan ni Atty. Renato Bondal, isa sa mga nagsampa ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman laban kina Vice President Jejomar Binay; Makati City Mayor Erwin “Jun Jun” Binay at ilang opisyal ng pamahalaang lokal.
Bandang 10:00 a.m. nang magmartsa ang grupo ni Bondal mula Greenbelt Church patungong bantayog ni Ninoy.
Pagdating nila sa Bantayog ni Sen. Aquino, nag-alay ang grupo ng puting rosas na may dilaw na laso at nakalagay ang isang papel na nakasaad: “Save Makati and STOP CORRUPTION” at nagsagawa ng misa sa pangunguna ni Bishop Inigez.
(JAJA GARCIA)