KALABOSO ang isang 49-anyos ginang na fixer at nagpapanggap na empleyado ng PCSO, sa entrapment operation ng Manila Police District-General Assignment Investigation Section (MPD-GAIS) kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Gina Reyes, alyas Rhia, buy and sell agent, at residente ng #1005 Tayabas Street, Tondo, Maynila.
Ayon sa biktimang si Hazel Alicante, nakilala niya si Rhia sa Metropolitan Hospital noong Hulyo 22 at nag-alok ng tulong para sa halagang kailangan ng ina na naka-confine sa nabanggit na ospital dahil sa sakit na cystitis.
Sinabi ni Rhia, sa pamamagitan Guaranty Letter, ang PCSO na ang sasagot sa operasyon ng pasyante na aabot sa halagang P100,000.
Umabot aniya sa halagang P18,000 ang naibigay niya kay Rhia para sa pagkuha ng Guaranty Letter.
Ngunit nang muling humingi ng karagdagang P4,000 si Rhia ay nagtanong na si Alicante sa tanggapan ng PCSO.
Laking desmaya niya nang mabatid na walang koneksyon ang suspek sa PCSO.
(LEONARD BASILIO – May kasamang ulat ni John Bryan Ulanday)