NAGBABALA ang media liaison officer ng Gatorade na si Rick Olivares sa mga koponan na huwag pabayaan ang ilang mga mahuhusay na draftees na hindi nabibigyan ng pansin para sa PBA Rookie Draft sa Linggo.
Natuwa naman si Olivares sa nangyaring resulta ng Gatorade PBA Draft Combine noong Lunes at Martes kung saan nagpakitang-gilas ang mga aplikante sa draft sa mga fitness at endurance tests, pati na rin sa scrimmages.
Tulad ng inaasahan, umangat ang ilang mga sikat na draftees tulad nina Chris Banchero at Stanley Pringle ngunit ayon kay Olivares, may ilang mga manlalaro na puwedeng ikonsidera sa draft tulad nina Brian Heruela at MacLean Sabellina.
Si Heruela ay taga-Cebu at dating kakampi ni PBA MVP Junmar Fajardo sa University of Cebu samantalang si Sabellina ay kilala sa PBA D League sa kanyang mataas na talon kaya mahusay siyang magdakdak.
Parehong natuwa sina Heruela at Sabellina sa mga magandang komento ng mga PBA coaches sa kanila.
“Happy naman ako sa pinakita ko,” ani Sabellina. “Excited ako pero aaminin ko na nininerbyos ako. Sana makuha talaga kasi pangarap ko makapaglaro sa PBA.” (James Ty III)