NAKALABOSO ang isang traffic enforcer na inakusahang nangikil sa isang piloto kamakalawa sa lungsod ng Pasay .
Nasa kustodiya na ng Pasay City Police ang suspek na si Darell Ropan, 35, ng #712 E. Rodriguez St., Malibay ng nasabing lungsod, miyembro ng Pasay Traffic and Parking Management Office (PTPMO).
Habang kinilala ang complainant na si Anthony Gabriel Divino Flores, 25, ng #135 Marquez St., Brgy. Bagong Anyo, Dolores, Quezon.
Ayon sa pahayag ng biktima sa Pasay City Police, naganap ang insidente dakong 4:30 p.m. sa Taft Avenue ng naturang lungsod.
Aniya, binabaybay nila ang north-bound lane patungong Rotonda-EDSA, ngunit pagsapit sa naturang lugar ay bigla silang pinara ng suspek.
Sinita ang biktima dahil conduction sticker lamang ang nakakabit sa kanyang kotse dahilan upang makiusap siya sa suspek. Sinabi ng suspek na magbibigay siya ng P500 para makuha ang kanyang lisensyang nakompiska. Agad nagbigay ang biktima sa suspek ngunit pagkaraan ay nagreklamo sa Station Operation Unit (SOU) ng Pasay City Police.
(JAJA GARCIA)