SIKAT na sikat na talaga si Erickson Raymundo dahil pati siya ay ini-intriga na rin na nanunulot daw ng talents.
Noon pa namin narinig ang ganitong tsika pero deadma naman kami kasi alam naming hindi totoo.
Ang Prince of Pop na si Erik Santos ang una naming narinig na sinulot daw ng Cornerstone sa Backroom na sa totoo lang ay hinding-hindi dahil pinakawalan siya mismo ng talent management na pag-aari ni Boy Abunda na ngayon ay mina-manage na ng mga loyalistang tauhan.
Si Erik din mismo ang kumausap kay Erickson na i-manage siya. Tanda nga namin ay napaiyak pa ang binatang singer nang ikuwento niya sa album launching niya ang paglipat sa Cornerstone kasi nga at that time ay may gusot sila ni kuya Boy pero okay na sila ngayon.
Inamin din naman ni Erik na hinding-hindi niya makalilimutan si Kuya Boy, katunayan, may alay siyang kanta sa rating manager, Kulang Ako Kung Wala Ka na nasa mismong album niya.
Isa pang narinig namin ay si Angeline Quinto na Star Magic ang nangangalaga sa kanya sa tulong din ni Dreamscape head na si Mr. Deo T. Endrinal simula ng manalo siya sa Star Power pero dahil hindi na puwedeng mag-manage si sir Deo ay kinausap ni Angge si Erickson para ico-manage siya na may basbas siyempre si Mr. M (Johnny Manahan) dahil singers ang forte ng Cornerstone.
Next in line naman ay si Rachel Anne Go na kasalukuyang nasa London ngayon para sa Miss Saigon. Sa pagkakaalam namin ay expired na ang kontrata ng singer/actress sa Viva Talents ni Ms. Veronique del Rosario-Corpus kaya walang sabit ang paglipat ng dalaga sa Cornerstone.
Si Pinoy Dream Academy grand winner, Yeng Constantino naman ay ang mismong Star Magic ang nag-endorse sa Cornerstone para co-manage rin tulad ni Angeline.
Puro singers naman talaga ang talents noon ni Erickson tulad nina Richard Poon, Sam Milby, Erika, at Krissy, at iba pang nawala.
Kung hindi kami nagkakamali ay si Kit Thompson ang unang talent ng Cornerstone na artista at galing ng GMA na ayon mismo sa binatilyo ay wala na siyang kontrata sa Siete kaya malaya siyang lumipat.
Kailangan pa bang itanong kung bakit nasa Cornerstone si Maricar Reyes-Poon? Obviously, asawa niya si Richard Poon.
Ang super daldal at hindi palangiting PA ni Piolo Pascual na si Moi kapag nasasalubong namin ay ini-endoso naman ng aktor dahil kasosyo naman siya sa Spring Films na movie outfit ng Cornerstone.
Si Jericho Rosales ay kalilipat din noong August 1 sa Cornerstone na ayon din sa aktor ay expired na ang kontrata niya sa Genesis.
At heto ang bago, pinirata raw ng Cornerstone ang anak ni Jose Manalo na si Nicco Manalo na nakakuha ng una niyang award bilang best supporting actor sa nakaraang 2014 Cinemalaya Film Festival para sa pelikulang The Janitor.
Hindi namin napanood ang The Janitor kundi Barber’s Tale lang at pabor kami na magaling umarte si Nicco.
Iniwan na raw ni Nicco ang manager niya na nagtiyaga sa kanya para mabigyan siya ng project na paisa-isa hanggang sa naka-jackpot at napansin sa mga nabanggit na pelikula ay lumaki na raw ang ulo at nagpa-manage na sa Cornerstone.
Kinunan namin ng komento si Erickson tungkol dito na nasa Singapore pala kasama ang mga alagang sina Erik at Sam na sponsored ng Academy of Rock Singapore.
Mensahe sa amin ni Erickson, ”alam mo naman, we never approached any artist and never pursued anyone. I didn’t even personally know Nicco.
“It was him who’s been seeking help from us since last year but I never sat down with him. I only met him last week to find out his story. I told him we don’t want conflict with any group especially if they have an existing contract whether written or verbal so we can’t accommodate him.
“He messaged one of my managers the next day that he has made a decision already and left his management. I just told my staff that as long as everything is clear then we could meet him again.
“Perci Intalan, even messaged me and I told him the same thing. And no, we didn’t promise him anything.
“At wala pa ni isa kaming na pirate so I wonder why the writer mentioned reputation. I also don’t promise anything to any artist just to get them.
“We are happy with our pool of artists and all of them can attest that it’s them who approached us unless I personally discovered them.”
Hindi pa namin halos nababasa ang mensahe ng Cornerstone honcho ay tumawag na para magpaliwanag, ”hindi naman ako affected sa sinabing nanunulot, hindi ko rin kailangang i-defend ang sarili ko to anybody unless tinatanong ako, like now, tinanong mo ako.
“Sa totoo lang, hindi ko kilala si Nicco kaya wala akong alam tungkol sa kanya maliban sa anak siya ni Jose Manalo at may isyu silang mag-ama na hindi ko rin tinanong kasi personal na ‘yun.
“Nabanggit nga na verbal daw ang usapan nila ng manager niya which same thing I do with my talents, wala silang kontrata lahat, verbal lang kasi katwiran ko, kung hindi ka na masaya sa amin, anytime puwedeng umalis, hindi ko pipigilan. Alangan namang pilitin kong mag-stay kung hindi na rin kami magkakasundo.
“Ganoon ako ka-diretso sa talents ko, tell me straight kung ayaw n’yo na and so far, sa 9 years ko sa business, walang umaalis pa. May mga pinaalis na ako, kasi hindi naman nagwo-work out na.
“Kaya ‘yang panunulot na ‘yan, nakakatawa lang kasi hindi kami ang lumalapit sa talents, kami ang nilalapitan at ipagtanong pa ‘yan sa lahat.
“And I don’t make promises just to persuade the person, naglalatag lang ako ng career plan kapag nasa amin na. Hindi ako basta nakikipagkita sa tao.”
ni Reggee Bonoan