NATUTUWA tayo na sa pagkakataong ito, isang Senador na katoto ng mga sundalo at iba pang uniformed personnel ang nagawang maipasa sa Senado ang Joint Resolution No. 2 para sa kanilang increase sa subsistence allowance.
Ayon kay Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV, pangunahing may-akda at sponsor ng nasabing resolusyon, “sa pagtataas ng subsistence allowance ng ating mga sundalo at pulis sa pamamagitan ng resolusyong ito, inaasahang maitataas rin ang kanilang morale at kilalanin ang kanilang mga sakripisyo para sa ating bansa.”
Sa ilalim ng nasabing resolusyon, itataas mula P90 hanggang P150 kada araw ang subsistence allowance ng mga sundalo at iba pang uniformed personnel ng ating gobyerno simula 1 Enero 2015.
Partikular na sakop ng resolusyong ito ang mga opisyal, enlisted personnel, probationary second lieutenants, at civilian active auxiliaries ng Armed Forces of the Philippines; commissioned at non-commissioned na kawani ng Philippines National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology; mga kadete ng Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy; at Philippine Coast Guard.
Sa deliberasyon ng nasabing resolusyon sa Plenaryo, inihayag ni Sen. Trillanes ang pagkadesmaya kung paanong nananatiling isa sa may pinakamababang sweldo ang nabanggit na mga kawani ng gobyerno sa kabila nang bigat ng kanilang mga tungkulin.
Binanggit niya ang kalagayan ng mga sundalo at pulis na nakadestino sa malalayong lugar at iniiwan ang kaniang ATM card sa kanilang pamilya.
Ang kanilang sahod ay deretso sa kanilang ATM at ang subsistence allowance na lamang ang kanilang pilit na pinagkakasya sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
“Hinikayat ko ang ating mga kasama sa Kamara na bigyan ng aksyon ang panukalang ito nang sa gayon ay maipatupad sa darating na Enero 1 ng susunod na taon,” diin ni Trillanes.
Ginawa ito ni Senator Trillanes sa kapasidad niya bilang tagapangulo ng Senate Committee on National Defense and Security.
Marami na tayong nakausap na pulis at sundalo na lumaki ang bilib kay Senator Trillanes.
Ang dami na nga naman mga kabaro nila ang naging mambabatas, una na nga d’yan si Sen. Gringo Honasan at ang isa naging kalihim pa ng Department of National Defense na si Sen. Johnny Ponce Enrile ay hindi man lang nagsumikap na umakda ng makabuluhang batas na susuhay sa sektor o saray na kanilang pinanggalingan.
Gaya ng panawagan ni Senator Trillanes, inuulit ko po, SUPORTAHAN sana ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ang batas na ito para sa mga naglilingkod nating mga sundalo at pulis sa buong bansa.
ANG MASAMANG KAPALARAN NI PALPARAN
NANG madakip ng National Bureau of Investigation (NBI) si Major Gen. Jovito Palparan sa Sta. Mesa, Maynila, agad nagbunyi ang maraming aktibista lalo na ang mga biktima umano ng paglabag sa karapatang pantao.
Tinawag na “The Butcher” o Berdugo sa mga balitang inilabas sa ibang pahayagan.
At d’yan tayo medyo nakikisimpatiya kay retired Gen. Palparan.
Sabi nga, hangga’t hindi napapatunayan sa korte na ang isang akusado ay may ipinadukot, tinortyur at pinatay, nanatili siyang inosente.
Ang naging kasalanan umano ni Palparan ay naging masugid ang kanyang paglaban sa insurhensiya. At dahil sa marubdob niyang paglaban sa insurhensiya ay naging ‘halimaw’ ang tingin niya sa mga aktibista at mga nag-armas sa ngalan ng kanilang ideolohiya.
Ang pagkakaiba nga lang, si Palparan ay nanunungkulang sundalo sa ilalim ng gobyerno. At ang kanyang sinusweldo ay galing sa buwis ng mamamayan.
Si Palparan ay isang retired Army general at masugid na anti-communist. Mula Hulyo 2003 hanggang Hulyo 2004, ay naging commander ng Philippine Humanitarian Contingent sa Iraq War. Naging representative ng Bantay party-list sa 14th Congress of the Philippines.
Siya ay inakusahang responsable sa pagpaslang kay Eden Marcellana at Eddie Gumanoy at pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno.
Sa kasong kinakaharap ngayon ni Palparan, bahala na ang korte sa kanyang kapalaran.
BERDUGONG SJDM BARANGAY CHAIRWOMAN
HINDI natin akalain na ang isang chairwoman na mayroong mala-anghel na mukha ay maging sanhi ng kamatayan ng isa sa kanyang constituent dahil lamang sa isang kapirasong yero.
Pero mali po ang ating akala, dahil nangyari nga na umaktong tila ‘HUKOM’ si Barangay Poblacion I Chairwoman Laarni Contreras laban sa kanyang constituent na inakusahan niyang nagnakaw ng yero kahit walang complainant.
Ang HATOL o PARUSA na ipinataw ni Chairwoman Contreras sa kanyang constituents na sina Abundio Baltazar, 46 anyos; at Edgardo Villano, 45 anyos; ay painumin ng 10 bote ng gin.
Pero hindi kinaya nina Baltazar at Villano na ubusin ang 10 bote ng gin. Kaya sa ikalawang boteng gin ni Baltazar at dalawa’t kalahati naman ni Villano, kapwa sila nahandusay at nakatulog sa papag na nasa gilid ng barangay.
Mistulang bangkay na walang buhay ang dalawa at pinapak ng lamok at langaw bago pa nakuha ng kani-kanilang pamilya.
Dahil gabi na pero hindi pa rin nagigising si Baltazar, minabuti ng kanyang mga kaanak na dalhin na siya sa ospital.
Kinabukasan, Hulyo 17, nagising si Baltazar pero balisa at maligalig na pabalik-balik sa confort room.
Lingid sa kaalaman ng kanyang bantay, mayroon nang sumabog na ugat sa puso ni Baltazar. Dakong 12:30 a.m. binawian na ng buhay ang biktima.
Inihain na ng pulisya ng San Jose del Monte (SJDM) City Police Station sa piskalya ang kasong homicide laban sa barangay chairwoman Laarni Contreras, mga barangay kagawad na sina Roy Vincent Española at Rey Media, tanod chief Henry Malincon at tanod Ruben San Diego.
Si Contreras at ang apat na opisyal ng barangay ang itinuturing nagparusa at sapilitang nagpainom ng 10 bote ng gin (Ginebra San Miguel) sa dalawang constituent, na ikinamatay ng isa, dahil sa napulot na kapirasong yero nitong kasagsagan ng bagyong Glenda sa lungsod na ito sa Bulacan.
Dakong 11 am, noong Hunyo 16, habang iniaalok nina Baltazar at Villano ang kapirasong yero sa isang kapitbahay, kinaon sila nina barangay kagawad Rey Medina at Roy Vincent “Clinton” Española para imbitahan sa Barangay Hall dahil isinuplong sila ng isang alyas Palab na ‘nagnakaw’ umano ng yero.
Dahil wala naman kasalanan, mapayapang sumama sina Abundio at Villano sa dalawang barangay kagawad sa barangay hall.
Pagdating doon, isinailalim sila sa interogasyon ng barangay chairwoman na si Contreras, kung bakit nila ipinagbibili ang kapirasong yero na ayon sa dalawa ay napulot nila.
Nang isagot ng dalawa na ipambibili nila ng gin, agad inutusan ng chairwoman na bumili ng 10 gin ang chief tanod na si Malincon at isang tanod na si San Diego.
Habang binilinan ni Contreras sina Abundio at Villano na huwag aalis dahil ‘wala pang complainant.’
Pagdating ng 10 bote ng gin, agad inutusan ni Contreras si Malincon at San Diego na bigyan ng tig-isang bote ng gin ang dalawa at ipaubos sa kanila.
“Ubusin n’yo ‘yan, huwag kayong uuwi hangga’t hindi ninyo nauubos ‘yan,” utos ni Contreras sa dalawa.
Walang nagawa ang dalawa kundi sundin ang utos ni Contreras dahil ayaw na nilang maulit ang kalupitang naranasan nila noong Disyembre 2012, na sila ay pinainom ng isang alak na long neck, na may mukha ng isang politiko na sinabing ‘karelasyon’ ng chairwoman.
Hindi pa umano barangay chairwoman si Contreras nang panahon na iyon.
Pagkatapos ipaubos ang long neck, binugbog sila ng politikong karelasyon ni Contreras. Hindi umano sila makapanlaban dahil nakabantay ang mga bodyguard ng politiko na pawang nakasukbit ng baril sa bewang.
Kaya nang utusan sila ng chairwoman na uminom ng gin sa pagkakataong iyon, sumunod sila sa takot na bugbugin silang muli.
Uminom ng purong gin ang dalawa kahit hindi pa nakapanananghalian, walang chaser na tubig at nagtiyagang mamulutan ng Kamias.
Dakong 3pm nang araw na iyon, nakitang naka-gulapay sa papag na nasa gilid ng barangay hall ang dalawa, walang malay at nilalangaw.
Kakaiba ka pala Chairwoman Laarni Contreras. Kung ano man ang rason ni Contreras kung bakit lagi nilang pinag-iinitan sina Baltazar at Villano, sila lang ang nakaaalam.
Pero ang malinaw, may nilabag na kairalan si Contreras at ang apat pa niyang opisyal na ikinabuwis ng buhay ng isa nilang constituent.
Naniniwala tayo na sa ngalan ng batas na umiiral sa ating lipunan, mayroong dapat managot.
‘Di ba, Chairwoman Contreras?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com