ITINANGGI ng Palasyo na kinuha nila ang serbisyo ng isang foreign public relation (PR) firm na dating nagsilbi noong administrasyon ni Estrada sa Malacañang, para matugunan ang bumabagsak na ratings ni Pangulong Benigno Aquino III.
“Wala akong impormasyon o kinalaman sa ulat na ‘yan. Sa araw-araw sinisikap ng aming tanggapan na maihatid ang makatotohanan at tamang impormasyon na makatutulong sa mga mamamayan hinggil sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan,” ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.
Hindi na aniya kailangang kunin ang serbisyo ng ano mang PR firm dahil si Pangulong Aquino mismo ang pinakamahusay na PR man ng kanyang administrasyon sa mahusay na “performance” niya bilang Punong ehekutibo ng bansa.
Napaulat kahapon na dinala ni Interior Secretary Mar Roxas ang foreign pollster at political strategist na si Paul Bograd sa Palasyo para remedyohan ang pagbagsak ng popularidad ng Pangulo bunsod ng desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang Priority Development assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP).
Si Bograd ay nagsilbing political strategist ni Roxas nang manguna sa Senado noong 2004 elections sa gimik na Mr. Palengke, at naging PR man din sa mahigit dalawang taon administrasyon ni ousted president at convicted plunderer Joseph Estrada.
(ROSE NOVENARIO)