ILOILO CITY – Kinompirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Reg. 6, sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nabuo ang transaksyon sa ¾ kilo ng shabu, nagkakahalaga ng P4.5 milyon, na nasabat sa kanilang operasyon sa Buray, Oton, Iloilo.
Ayon kay PDEA Reg. 6 Dir. Paul Ledesma, ang naarestong drug courier na si Jesusito Padilla Pedrajas ng San Pedro, Laguna ay matagal nang nagta-transport ng illegal na droga.
Aniya, hindi lamang mula sa Metro Manila patungo sa Panay kundi maging sa ibang bahagi ng bansa.
Sa kanilang monitoring, nabatid nilang ang transaksyon ay binuo sa loob mismo ng Bilibid at kapag nagkasundo, ibang grupo ang nagbibigay ng suplay at ibang grupo rin ang bahala sa pag-transport ng illegal na droga sa pamamagitan ng Ro-Ro (roll-on roll-off).
Nahuli ang courier makaraan makuha ang PDEA ang kanyang contact number at napaniwalang sila ang kukuha sa suplay.
Ayon sa PDEA, makaraan ang sunod-sunod na pagkakasabat ng illegal na droga na idinaraan ng mga sindikato sa mga courier company kagaya ng paglagay sa swelas ng tsinelas sa bagahe, bumalik sila dati nilang modus na itina-transport mismo ng isang drug courier.