IBINIGAY na ng pambansang pulisya ang reward money sa dalawang civilian informants na naging susi sa pagkakaaresto sa negosyanteng si Delfin Lee at sa NPA leader na si Grayson Naogsan.
Mismong si PNP chief, Director General Alan Purisima ang nag-abot ng pera sa dalawang tipster.
Ayon sa PNP, P2 milyon ang pabuya para sa pag-aresto kay Lee, habang P3.2 milyon ang patong sa ulo ni Naogsan.
Nasa kabuuang P5.2 million ang ibinigay ng PNP kahapon at ang nasabing pera ay mula sa PNP Confidential Intelligence Fund.
Magugunitang nadakip ng PNP Task Force Tugis na pinamumunuan ni Senior Supt. Conrad Capa, si Lee na kabilang sa tinaguriang Big 5, noong Marso 6 sa lobby ng Hyatt Hotel sa Ermita, Manila.
Habang si Naogsan ay nadakip sa Baguio City sa isang joint operation ng mga tauhan ng Intelligence Group, Police Regional Office Cordillera at ng ISAFP.