LUSOT sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Joint Resolution No. 2 o ang resolusyong magtataas ng subsistence allowance ng mga sundalo at iba pang uniformed personnel sa bansa.
Ayon kay Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV, pangunahing may-akda at isponsor ng nasabing resolusyon, “sa pamamagitan ng pagtataas ng subsistence allowance ng ating mga sundalo at pulis sa pamamagitan ng resolusyong ito, inaasahang nating maitaas ang kanilang morale at kilalanin ang kanilang mga sakripisyo para sa ating bansa.”
Sa ilalim ng nasabing resolusyon, itataas mula P90 hanggang P150 kada araw ang subsistence allowance ng mga sundalo at iba pang uniformed personnel ng ating gobyerno simula Enero 1, 2015.
Partikular na sakop ng resolusyong ito ang mga opisyal, enlisted personnel, probationary second lieutenants, at civilian active auxiliaries ng Armed Forces of the Philippines; commissioned at non-commissioned na kawani ng Philippines National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology; mga kadete ng Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy; at Philippine Coast Guard.
Noong inisponsor ni Trillanes ang nasabing resolusyon sa Plenaryo, inihayag niya ang pagkadesmaya kung paanong nananatiling isa sa may pinakamababang sweldo ang nabanggit na mga kawani ng gobyerno sa kabila nang bigat ng kanilang mga tungkulin.
Binanggit niya ang kalagayan ng mga sundalo at pulis na nakadestino sa malalayong lugar at iniiwan kanilang ATM card sa kanilang pamilya.
Ang kanilang sahod ay dumidiretso sa kanilang ATM at ang subsistence allowance na lamang ang kanilang pilit na pinagkakasya sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. “Hinikayat ko ang ating mga kasama sa Kamara na bigyan ng aksyon ang panukalang ito nang sa gayon ay mapatupad ito sa darating na 1 Enero ng susunod na taon,” ani Trillanes, tagapangulo ng Senate Committee on National Defense and Security. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)