IKINATUWA ng Palasyo ang pahayag ni Cotabato Archbishop Orlando Quevedo na ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa susunod na taon ay makatutulong sa pagsusulong ng prosesong pangkapayapaan sa Mindanao.
“Mainam po ang ginawang pahayag na ‘yan ni Cardinal Quevedo at kaisa po kami sa mithiin ng ating mga kapatid na naghahangad ng ganap na kapayapaan na idudulot nitong kasunduan hinggil sa Bangsamoro,” sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.
Umaasa aniya ang Palasyo na magpapatuloy ang katatagan ng peace process, yumabong at sumigla pagkatapos malagdaan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kongreso ang isa sa mga prayoridad ng administrasyong Aquino ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nagkakasundo ang panig ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa final draft nito.
Ayon kay Quevedo, ang kahirapan at kawalan ng hustisya , kasama na ang mga paglabag sa karapatang pantao, korupsiyon at hidwaan sa lupa ang mga ugat ng tunggalian sa Mindanao na dapat tugunan upang makamit ang kapayapaan. (ROSE NOVENARIO)