MATAPOS na mapagkampeon ang Talk N Text sa kanyang pagbabalik sa Philippine Basketball Association (PBA) anim na conferences na ang nakalilipas ay hindi na naulit pa ang pakikipagniig ni coach Norman Black sa kampeonato.
Nabigo na ang Tropang Texters sa sumunod na limang conferences at ang “closest thing” sa isa pang kampeonato ay nang makarating sila sa Finals ng nakaraang Commissioner’s Cup.
Matindi ang ratsada ng Tropang Texters sa torneong iyon dahil winalis nila ang elims, ang quarters at ang semis.
Kaya lang, hindi na sila nakaporma sa Finals dahil sa tinalo sila ng San Mig Coffee, 3-1.
Well, matapos ang limang conferences ng kabiguan sa Talk N Text, panibagong hamon ang haharapin ni Black. Inilipat siya sa isa pang koponan ni Manny V. Pangilinan.
Hinalinhan ni Black bilang head coach ng Meralco si Paul Ryan Gregorio na ngayon ay alternate board governor na. Ang pumalit naman kay Black bilang head coach ng Talk N Text ay si Jong Uichico.
Mas matinding hamon yata ito e!
Kasi, kung ipagkukumpara sa Talk N Text at Meralco, aba’y higit na malakas ang Tropang Texters! E, hindi pa nga nakakarating sa Finals ang Meralco sa apat na taong pagiging miyembro ng PBA. At ang pinakamataas na narating nito ay semis sa isang conference na lima ang naging semifinalists.
Kung hindi naihatid ni Gregorio sa Finals ang Bolts, maihatid kaya ni Black?
Siguro naman.
Kaya nga siya ang iniluklok sa Bolts, e.
Kasi malaki ang tiwala sa kaya ni MVP na isa siya sa winningest coaches ng PBA.
Siguro naman ay kaya ng “old Black Magic” na paliwanagin ang daigdig ng Meralco sa PBA!
Sabrina Pascua