DALAWA ang kompirmadong patay at 26 ang grabeng nasugatan nang bumangga sa pader ng gasolinahan ang pampasaherong jeep na nawalan ng preno sa Masinag Marcos Hi-way, Brgy. Mayamot, Antipolo City.
Sa inisyal na ulat ng Antipolo PNP, kinilala ang namatay na sina Miguel Potol at isang Diana Luning, kapwa residente ng lungsod.
Kritikal ang 26 katao na pawang pasahero at nag-aabang ng masasakyan sa lugar kabilang ang drayber na si Arturo Ramirez na dinala sa Amang Rodriguez Medical Center (ARMC) sa Marikina.
Ayon kay Dodie Coronado ng Antipolo Public Information Office, dakong 7:00 a.m. sakay ang mga biktima sa pampasaherong jeep na may plakang DHH-608, minamaneho ni Ramirez, mula Cogeo patungo sa Masinag Marcos Highway, nang mawalan ng preno.
Inararo ng drayber ang pader ng gasolinahan at mga taong nag-aabang nang sasakyan na agad ikinamatay ng dalawa sa mga biktima.
Iniimbestigahan ng awtoridad ang tunay na pangyayari at naniniwala sila na mabilis ang takbo ng drayber na nasa kritikal din na kondisyon.
(EDWIN MORENO)