NAGSAGAWA nang malawakang walkout bago sumugod kahapon sa State Of The Nation Address(SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga empleyado ng iba’t ibang sangay ng gobyerno para sumama sa kilos protesta.
Pinangunahan ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), ang naturang rally kasama ang court employees; mga empleyado ng National Housing Authority; Department of Agrarian Reform; National Food Authority; Department of Social Welfare and Development; National Printing Office; MMDA; Mines and Geosciences Bureau; Department of Environment and Natural Resources; National Irrigation Administration; Department of Agriculture; National Museum; National Parks and Development Committee at mga kawani ng ilang water districts kasama ang mga empleyado ng local government units.
Nagsimulang tumulak ang grupo matapos isagawa ang kani-kanilang flag ceremonies at saka nagtipon-tipon sa Tandang Sora saka nagmartsa patungong Batasan.
Samantala, sumama rin ang Senate employees na nag-assemble sa harap ng Senate of the Philippines nang mag-lunch break sila at saka sumunod sa kapwa nila state workers na nasa Commonwealth, Quezon City.
Bira ni COURAGE national president Ferdinand Gaite, lagapak ang grado sa kanila ng Pangulo Aquino dahil sa lumalalang sitwasyon ng 1.4 milyong state workers.
(JETHRO SINOCRUZ)
7 ANTI-SONA PROTESTERS ARESTADO
UMABOT sa pitong raliyista ang inaresto kasunod ng komprontasyon ng mga pulis at demonstrador sa Commonwealth Avenue, Quezon City Monday kahapon, habang isinasagawa ang SONA ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ang pito ay dinala sa Quezon City Police District headquarters sa Camp Karingal.
Ang kaguluhan ay naganap nang magpumilit ang mga raliyista na makapasok sa barrier kaya gumamit ng water cannons ang mga pulis.