MASAMA ang loob nang mahigit sa 300 overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang Libya nang bigong makapunta ang ilang labor officials sa napag-usapang pagpupulong sa Philippine Community School sa Hawari Village, syudad ng Benghazi para mapag-usapan ang ligtas na paglikas sa nasabing bansa.
Desmayadong inihayag ng isang OFW na umasa ang mga OFW na makausap ang mga opisyal at maisapinal ang kanilang repatriation plan at iba pang hinaing kagaya ng compensation package sakaling aalis na sila sa kanilang trabaho.
Depensa ng repatriation team, “risky” ang napag-usapang lugar dahil hindi pa man sila nakarating doon nasaksihan na nila ang mga bangkay na mahigit 10 Libyano na nadale sa isang suicide bombing.
Napag-alaman din na mismong mga opisyales ang nagbigay ng instruksyon para makapunta ang mga OFW sa temporaryong tinutuluyan kabaligtaran sa naunang pinagkasunduan.
Ngunit iginiit ng mga kasapi ng Filipino community sa Benghazi na kung talagang delikado ang napag-usapang lugar, matagal nang lumikas ang mga OFW na nakatira sa nasabing lugar.
Dagdag nila, dapat ang Labor officials ang pupunta sa kinalalagyan ng grupo.