ISANG kilalang mall sa Malate, Maynila ang pinaniniwalaang paboritong tambayan ng mga mandurukot at ‘salisi gang’ matapos magreklamo ang tatlong dayuhan na naging biktima sa magkakaibang oras kamakalawa.
Unang nagtungo sa tanggapan ng Manila Police District – General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), ang biktimang si Rina Maharsan, 22, Nepalese national, estudyante sa Emilio Aguinaldo College at nanunuluyan sa 113-117 San Marcelino St., Ermita, Maynila.
Aniya, nadukot sa kanyang bag ang pitaka na naglalaman ng P29,000 habang namamasyal sa loob ng Robinson’s Department Store, dakong 4:00 p.m.
Sumunod na nagreklamo ang isang Yasuhisha Koneko, 40, Japanese national na pansamantalang nanunuluyan sa Executive Plaza Hotel, sa Malate, nang banggain siya ng isang babae kasunod ng pagkawala ng kanyang wallet na may laman P25,000.
Si Olav Moen, 40, Norwegian, ng 2108 M.H. Del Pilar St., Ermita, nadale rin ang wallet na may laman P11,000 cash; 3,000 Norwegian money, driver’s license, visa card at iba pang mga importanteng dokumento, habang namamasyal sa loob ng nasabing mall.
Ayon sa pulisya, posibleng ang modus ng mga mandurukot ay manlito ng mga target biktimahin.
Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad sa tatlong insidente kasabay ng utos na magpakalat ng mga tourist police para magsagawa ng monitoring sa loob ng mall.
(LEONARD BASILIO)