ISANG Japanese national ang dumulog sa pulisya nang mahulidap ng nagpakilalang pulis at matangayan ng P120,000 halaga ng mga gadgets at pera sa Ermita, Maynila, kamakalawa.
Si Handa Makasaaki, 41, ng Kyoto, Japan, ay nagharap ng reklamo kasama ang security guard ng Tune Hotel, na nasa Malate, Maynila, na si Israel Tapang, sa Manila Police District – General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) pagkatapos ng insidente.
Sa salaysay ng biktima kay SPO1 James Poso, nakatayo siya sa isang waiting shed dakong 4:00 p.m. nang lapitan at sitahin ng suspek nakasuot ng unipormeng pulis pero walang name plate.
“A policeman ask me if I had a passport. I showed him, but he said no copy, you should go to our van,” pahayag ng biktima.
Sumama ang biktima, pinasakay siya sa itim at puti na Revo na may sakay na tatlong lalaki.
Agad kinuha sa biktima ang dalang bag na naglalaman ng cellphone, camera, laptop, iba pang kagamitan at wallet na may laman na pera saka pinakawalan.
Ayon kay Tapang, namumutlang lumapit sa kanya ang dayuhan at nagpasama sa pulis para i-report ang nangyari sa kanya.
Inilarawan ng biktima ang suspek na may katabaan, kayumanggi at hindi kataasan.
Inihahanda ng pulisya ang mga retrato ng mga pulis na nakatalaga sa MPD para kilalanin ng biktima. (LEONARD BASILIO)