UMAKYAT na sa 94 ang namatay makaraan ang pananalasa ng Bagyong Glenda, at patuloy sa pagtaas ang bilang ng casualties at halaga ng nasirang mga ari-arian bukod sa pinsala na idinulot sa sektor ng agrikultura at impraestruktura.
Sa latest report ng NDRRMC, 94 na ang namatay at ang pinakahuling naitalang casualties ay mula sa Quezon na matinding hinagupit ng bagyong Glenda.
Sa bilang ng mga namatay, 67 ang mula sa Region IV-A (Calabarzon region). Sa probinsiya ng Quezon ay nasa 26 ang namatay.
Habang ang death toll sa Laguna ay nasa 17, Batangas, 13; Cavite walo; at Rizal, tatlo.
Umabot na rin sa 317 ang bilang ng mga sugatan habang anim ang hindi pa natatagpuan.
Samantala, umakyat na sa mahigit P7.3 bilyon ang halaga ng pinsala ng bagyo sa higit limang rehiyon na hinagupit nito.
Aabot sa mahigit P1 bilyon ang halaga ng mga nasirang impra-estruktura.
Habang nasa mahigit P6.3 bilyon ang pinsala sa mga pananim, livestock at agricultural facilities. Higit P27 milyon ang naitalang pinsala sa mga gusali ng mga paaralan.