BUTUAN CITY – Umabot sa 13 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang patay habang apat na security personnel ng isang rebel returnee, at isang sundalo ang casualties sa nangyaring labanan sa Prosperidad sa Agusan del Sur.
Kinompirma ni Insp. Gerry Fernandez, hepe ng pulisya sa bayan ng Prosperidad, kabilang sa namatay ang security personnel ni rebel returnee Datu Calpit sa bakbakan kahapon sa Brgy. Sta. Irene, Prosperidad.
Inihayag ni Fernandez, naganap ang enkwentro nang tangkain ng mga rebelde na pasukin ang compound ni Datu Calpit na may gold processing sa loob ngunit dahil sa mahigpit na seguridad ay nagkaroon ng putukan.
Nagpadala ng reinforcement troops ang military at pulisya kaya nagkaroon ng labanan sa boundary ng Brgy. Awa at Brgy. Salvador na sakop ng Prosperidad.
Ito ay dahil sa blocking force na inilagay ng mga rebelde, gayundin sa Brgy. Hamugaway, Bayugan City nang nasabi ring lalawigan.
Kinompirma ni Capt. Cacayan, civil military officer ng 401st Brigade Philippine Army, isa sa kanilang kasamahan ang patay habang isa pa ang sugatan sa bakbakan.
(BETH JULIAN)