BUMAGSAK ang trust at approval rating ni Pangulong Benigno Aquino III sa pinakahuling survey ng Pulse Asia at Social Weather Station (SWS) makaraan ideklara ng Korte Suprema na ‘unconstitutional’ ang ipinatupad niyang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sa survey ng Pulse Asia sa 1,200 respondents nitong Hunyo 24 hanggang Hulyo 2, bumagsak sa 56 percent ang approval rating ni Pangulong Aquino mula sa 70 percent noong Marso.
Maging ang trust rating ni Aquino ay bumagsak sa 53 % mula sa 69 percent noong Marso sa kabila ng ginawa niyang pagpapakulong sa tatlong senador na sinasabing dawit sa maling paggamit ng kanilang PDAF, na kinasuhan ng plunder at nakakulong ngayon.
Samantala, sa SWS survey noong Hunyo 27-30, umaabot sa 55 percent ng mga tinanong ang nagsasabing kontento sila sa trabaho ni Pangulong Aquino kompara sa 30 percent na nagsasabing desmayado sila sa trabaho ng presidente.
Umaabot ng 20 percent ang ibinagsak ng satisfaction rating ni Pangulong Aquino simula nang manungkulan siya noong 2010.
Sa panig ng Malacañang, itinuturing nito na patuloy pa rin ang pagtitiwala ng mayorya ng taumbayan sa liderato ni Pangulong Aquino sa kabila ng pagbaba ng trust at approval rating ng Pangulo.
(ROSE NOVENARIO)