BINAWASAN ng pamunuan ng pambansang pulisya ang security convoy ni Senator Juan Ponce Enrile nang muling lumabas ng PNP General Hospital kahapon ng umaga para muling magpa-check-up sa mata sa Asian Eye Institute sa Rockwell, Makati City.
Nasa dalawang sasakyan na lamang ang pulis na kasama sa convoy ng senador at nakasakay siya sa ambulansiya ng PNP Hospital.
Kasama ni Enrile ang isang medical team na binubuo ng isang doctor, nurse, isang aide at driver.
Ayon sa PNP, ang pagbawas ng security escorts ay bahagi ng kanilang pagtitipid sa gastos dahil nasa P40,000 ang ginagastos nila tuwing lumalabas ang mga akusado ng pork barrel fund scam.
Ayon sa PNP Health Service, ito na ang ikaapat na pag-kakataon na nakalabas ng Camp Crame ang senador.
Dakong 8:30 a.m. nang lumabas mula sa Camp Crame sa Quezon City ang convoy ng senador patungong Asian Eye Institute.
Tumagal lamang nang mahigit 30 minuto ang senador sa clinic at bandang 9 a.m. nang bumalik ng Kampo ang convoy.
Nabatid na ito ang ikalawang Linggo na bumisita sa eye clinic ang akusadong senador sa pork barrel scam.