TATLONG pulis-Maynila ang inireklamo ng isang lalaki na kanilang sinita at pinagbintangang may dalang shabu habang sakay ng kanyang bisikleta sa Malate, Maynila.
Sa reklamo ng biktimang si Jayson Villaran, 34, ng No. 48 San Miguel, Maynila, habang sakay siya ng bisikleta sa N. Lopez St., Malate, nilapitan siya ng tatlong nagpakilalang mga pulis at pilit na pinalalabas ang sinasabing ilegal na droga na kanyang dala.
Nang itanggi ni Villaran ay bigla siyang hinampas ng posas sa ulo, kinuha ang P200 at cellphone na nasa bulsa.
Pagkatapos ay iniwan ang biktima kaya agad na nagharap ng reklamo sa MPD-General Assignment and Investigation Section (GAIS).
Isinalaysay ng biktima kay SPO1 James Poso, ang ginawa sa kanya ng tatlong nagpakilalang mga pulis na isa rito ay nakilala sa PO3 E.S. Abenoja, na nakita lamang sa name plate, isang SPO3 at isang naka-sibil-yan.
Ayon sa biktima, sina Abenoja at SPO3 ang gumulpi sa kanya kaya tadtad siya ng pasa at sugat sa mukha at katawan kaya dinala siya sa Philippine General Hospital (PGH).
Sinabi ng biktima na hinubaran pa siya ng sapatos at nawala ang damit bago iniwan ng tatlo.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at ipinakita ang police gallery para ma-kilala ang tatlong sina-sabing pulis-Maynila na inirereklamo ni Villaran.
(LEONARD BASILIO)